Thursday, November 18, 2010

Alaala


Habang naninigarilyo, napatingin ako sa kuwadradong orasang nakasabit sa dingding sa itaas ng maliit na estante ng mga sabon ng tindahang sarisari. Alas-kuwatro na ng hapon. Mahapdi pa rin ang dampi ng init ng araw sa balat. At ang langit ay bughaw na bughaw sa mangilanngilang ulap.
Hindi ko pa napangangalahati ang aking  sigarilyo nang lumapit sa akin si Dante.
“ Son, samahan mo ‘ko,” bungad niya sa akin.
“ Saan tayo pupunta?” tanong ko habang ibinubuga ko ang kumpulkumpol na usok ng sigarilyo.
“ Pagagawa ko lang  ‘to,” inangat niya ang kaliwang bahagi ng laylayan ng kanyang damit.
Ngumisi ako sa kanya.
Nakasuksok sa kaliwang baywang niya ang isang lumang baril.
“ Dante,” ani ko. “ Sa’ mo nakuha ‘yan?”
Humitit ako nang malalim sa aking sigarilyo.
“ Akin ‘to…matagal na ‘to sa ‘kin…sira kasi kaya hindi ko magamit”.
Sinamahan ko siya. Minabuti naming  dumaan sa mga eskinita upang hindi mapansin. Delikado, baril ang dala namin. Mahirap nang makulong. Sa ilang labas-masok namin sa makikitid, mabahong eskinita, nasapit din namin ang bahay na paggagawaan ng dala naming baril.
Maliit ang bahay. Isang palapag na gawa sa kahoy at ang bubong ay yari sa maitim, luma, kalawanging yero. Sa labas ng bahay, nanlilisik ang mga mata ng asong nakatali sa isang paa ng maliit na kulungan ng mga manok. Tahul nang tahol ang itim, payat, galising asong nakabantay sa harap ng bahay.
Mayamaya pa’y lumabas ang isang lalaking nasa tatlumpu’t lima ang gulang, mahaba ang makapal, magulong buhok at makapal ang tubo ng kilay at bigote. Matigas at magaspang ang rehistro ng mukha. Hubad-barong kakikitaan sa kaliwang dibdib ng tatong mukha ni Kristo- malungkot at lumuluha ang mga mata.  Lumingalinga ang lalaki sa magkabilang eskinita at nang makasigurong walang kahinahinalang taong nasa di-kalayuan, pinapasok kaming dalawa ni Dante.
Alam agad ang aming pakay, naisaloob ko.
“ Payring pin lang pala’ng sira nito, e,” sabi ng lalaki habang binabaklas ang baril sa harapan namin. “ Madali lang ‘to.”
Sira ang firing pin ng baril. Madali lang remedyuhan. Kinuha ang bakal na spring ng isang bolpen. Ikinabit sa baril. Tapos agad ang problema.
“ Remedyo lang ‘tong ginawa ko…kailangan talaga dito e ‘yung mismong spring ng baril…kakabyos din ‘to,  Dante,” paliwanag ng lalaki. At sunudsunod na kinalabit ang gatilyo. Kumakabyos pa rin ngunit hindi tulad nang dati.
Siya si Dante. Beinte-singko ang edad. Kulot ang mahaba at malagong buhok na tumatakip sa kanyang malapad na noo. Makapal ang tubo ng kilay. Bilugan ang mukha at mga mata. Katamtaman ang laki at may katabaan ang pangangatawan.
Hindi iilan ang nakakikilala kay Dante sa lugar namin sa Pacheco, Tundo. Gayundin sa mga kalapit-barangay. Labas-masok na sa kulungan. Holdaper,  snatcher, sira-ulo, tarantado at mahilig sa  basag-ulo. Marami ang takot sa kanya at marami ring kaaway na gustong pumatay sa kanya.
Noong una, ganoon ang pagkakakilala ko sa kanya—patapon na ang buhay—ngunit nang maging kaibigan ko siya (aywan ko kung bakit sa dinami-raming pangit na ugali na pinagsasabi sa kanya ay nagawa ko pang makipagkaibigan sa lokong ito), nakilala ko ang isang mabait at mabuting tao.
Kinagabihan, nagpainom siya. Apat na bote ng hinebra.
Pumuwesto kami sa kinayuyungyungan ng malapad na toldang pinaluma ng ilang ulit na bigwas ng mga bagyo.
Nagsalin siya ng alak sa maliit na basong Kristal. Pinuno niya iyon. Ininom at sinaid ang laman. Nagsalin muli ng alak. Pinuno at ibinigay sa akin. Ininom ko agad at sinaid ang laman. Gumuguhit ang lasa ng alak sa aking lalamunan. Kumuha ako ng pulutang hiniwahiwang hinog na papaya (may maliit na tindahan sila ng mga prutas sa Tayuman) upang kahit paano’y mabawasan ang gumuguhit sa lalamunang lasa ng alak.
“ Di ba nasa kolehiyo ka na?” biglang tanong niya sa akin.
Tumango ako. Pagkaraa’y napatingin ako sa mga matang iyon ni Dante. Malungkot.
Nagsindi ako ng sigarilyo.
“ Ikaw, bakit hindi ka na nag-aaral?” tanong ko.
Tinungga niya ang kasasalin pa lang na alak sa baso. Nabigla sa pag-inom, tumulo mula sa kanyang bibig ang kaunting alak at nanuloy sa kanyang leeg. Hinawakan niya ang laylayan ng kanyang itim na t-shirt at ipinunas sa nilandasan ng natapong alak.
“ Dati, gusto kong mag-aral…ngayon, ayoko na,” tugon niya.
“ Bakit ayaw mo na?”
Dinampot niya ang kaha ng sigarilyong nakapatong sa ibabaw ng mesa. Kumuha ng isa, sinindihan. Napapikit sa aso ng sigarilyo.
“ Dati, mabait ako…’di ganito ang takbo ng utak ko. Masipag akong mag-aral. Lagi akong pumapasok.” Humitit nang malalim. “ Nasa hayskul ako, huling taon nang ihinto ko ang pag-aaral. Sunudsunod ang mga away at basag-ulong napasok ko. Kaya hanggang ngayon, ganito na ako, sira-ulo.” Pinitik ang titis ng sigarilyo.
Pagkaraa’y pinukol niya ako ng mapanglaw na tingin.
Sinaid ko ang alak na nasa baso. Hindi ko na malasahan ang alak. Hindi na ako kumuha ng pulutan.
Tiningnan ko ang mga mata niya. Napansin ko ang pangingilid ng kanyang luha. Aywan kung totoo ang nakita ko o lasing na ako noon.
Hindi ko na alam kung anong oras kami natapos. Umuwi ako sa amin nang lasing at naririnig ang tilaukan ng mga manok-panabong ng kapitbahay.

ISANG araw, walangwala talaga kami. Ni piso alaws din. Ala-una na, hindi pa kami nanananghali. Lumabas ako ng bahay, hinanap ko si Dante. Magbabaka sakali na rin na makautang sa kanya, sapagkat siya ang alam kong makatutulong sa akin, at siya ang itinuturing kong pinakamatalik na kaibigan. Nakita ko siya, nagsusugal sa isang lamay ng patay. Ang agang sugal, naisaloob ko. Kinapalan ko ang mukha ko. Nangutang ako sa kanya ng singkuwenta pesos, ibabalik ko agad, pagkaraa’y sabi ko. Huwag na’t magkano lang iyon,  sabi niya sa akin. Nakapagsaing kami at nakabili ng ulam.
Sa mga magkakaibigan sa lugar namin,  kaming dalawa ang pinakadikit. Magkapatid na ang turing namin sa isa’t isa.
Minsa’y inaya ko siyang manigarilyo kahit na alam kong hindi siya gaanong naninigarilyo.
“ Hindi ako masyadong nagyoyosi,”sabi niya, “mahilig lang akong uminom.”
Natawa ako at nangiti siya.
“ Patay-gutom ka kasi sa alak,” biro ko.
Natawa siya.
Isang gabi, naninigarilyo ako nang lumapit siya sa akin at iniabot ang isang kaha ng sigarilyo.
“ An’ dami naman nito,” sabi ko.
“ Okey lang ‘yan para ‘di na bili nang bili…hitit na lang nang hitit.”
Natawa ako.
Isang kaha ng Marlboro ang ibinigay niya sa akin. Mayroon din siyang isang kaha ng sigarilyo. Hindi rin niya naubos, ibinigay din sa akin. Ilang araw ko ring inubos ang bigay na iyon.
Hindi lang madalas na pag-inom at madalang na paninigarilyo ang bisyo ni Dante. Madalas din siyang mag-marijuana.
Hindi ko pa siya kaibigan noon nang unang makita ko siyang gumamit ng marijuana. Umiinom sila ng kanyang mga barkada. Nakatambay ako di-kalayuan sa lugar kung saan sila nag-iinuman.
Mayamaya’y nagulat ako. Nagsindi ng marijuana ang loko kahit maraming nagdaraang mga tao. Malalim na hitit. Buga ng usok. Isa pa. malalim na hitit. Wala nang ibinugang usok pagkatapos. Hindi siya takot na magsindi sa harap ng mga nagdaraang tao. Kilala siya sa amin at walang may lakas ng loob na magbawal sa kanya.

ISANG gabi (hindi ko pa rin siya kaibigan noon), nag-iinuman kami ng mga  kaibigan ko di-kalayuan sa mga nakikipaglamay (uso sa Tundo ang linggulinggong may patay, ginawa na yatang tradisyon) nang malingunan kong nakakagulo sa umpukan ng mga nagsusugal. Lumapit ako kasabay ang mga kaibigan ko. Nakita ko si Dante, lasing at dala ang siyam na iba’t ibang yunit ng cellphone. Nangholdap na naman, naisaloob ko.
Aywan ko kung bakit simula nang maging magkaibigan kami, nagbago si Dante. Hindi na siya nanghoholdap. Iniwasan na ng loko. Pagtambay kasama ko at pagtao sa kanilang tindahan ng mga prutas sa Tayuman ang ginawang libangan. Ngunit ang basag-ulo ay hindi nawala, o mawawala, sa kanya.
Makailang beses ko nang nakitang galit si Dante. Ngunit hindi tulad nang makaaway niya si Ferdi: mayabang, malakas magsugal at pikon. Naroon silang dalawa—si Dante at Ferdie sa sugalan. Maraming tumataya, marami ang nagsusugal.
Nasa labas ako ng bahay noon, nakatambay at nanonood ng basketbol sa kanto. Nagulat ako, biglang may tumalon galing sa di-kataasang bubong.
Si Dante, dala ang baril na pinaayos namin!
Napaigtad ako sa bangketang kinauupan ko.
“ Dante, sino’ng kaaway mo?” sigaw ko.
Ni hindi niya pinansin ang tanong kong iyon.
Pagliko niya sa kanto, itinutok ang baril sa kaaway na nasa makalabas lamang ng kabilang eskinita. May dalang dalawang mahabang kutsilyo si Ferdie. Natulala siya nang makitang may hawak na baril si Dante. Minura ni Dante si Ferdie. Hindi kumibo ang huli. Mayamaya, nang lalapitan na niya ang kaaway, lumapit sa kanya ang ninong niya. Kinuha sa kanya ang baril at ibinigay sa tatay niya.
Nilapitan ko siya. Dinampot niya ang isang maruming bote ng alak sa mga tambak na gulong sa gilid ng eskinita, at ipinatong ang kanang pa. Pinagulunggulong ang bote ng kanang talampakan. Napilayan ang loko!
“ Tang ina ka Dante, akala ko si spiderman ka na!” nakatawang biro ko.
Hindi siya natawa.
Nagmumura siya.
“ Putang ina n’ya, babarilin ko talaga s’ya!”
“ Hayaan mo na,” pagpapakalma ko, “takot naman ‘yung gagong ‘yun, e.”
“ Putang ina n’ya!” Sinipa ang bote at tumilapon at nabasag nang tumama sa bangketang may bahid ng natuyong ihi.
Isang gabi, umuwi akong lasing. Naparami ako ng inom. Sumobra ang espiritu ng alak. Naglalakad na ako pauwi nang maaninag ko, malabo, pitong lalaki. Matatangkad. May hinahanap. May mga dala sila. Nang makakasalubong ko na sila ay narinig ko ang pangalan ni Dante.
“ Tang inang Danteng ‘yan!”
“ Subukan n’yang lumabas, titinggain ko s’ya!”
“ Masyadong mayabang kang tarantado ka!”
Natakot ako. Pagliko ko ng eskinita, muli ko silang tiningnan, patago. Malabo pa rin. Epekto ng alak, naisaloob ko. Binuksan ko ang pintuan namin, tahimik. Tulog na ang lahat. Dahandahan kong isinara. Dahandahan din akong nahiga. Banayad kong inilapat ang likod sa saping karton. Ngunit ramdam ko pa rin ang lamig ng sementadong sahig. Tumagilid ako. Mayamaya’y may narinig akong tatlong malalakas na putok.
Kinabukasan, sinabi ko kay Dante ang paghahanap sa kanya ng mga kaaway niya. Tinawanan lang ng loko ang pagpapaputok ng baril ng mga naghahanap sa kanya. Ngunit sa loobloob ko, galit siya, dinaan na lang sa tawa.
Sumunod na gabi, nag-inuman kaming dalawa.
“ Sasalubungin natin sila,” nakangiting sabi ni Dante at inilabas ang dalawang kalibre .38 na  baril.
Nangiti ako pagkatapos kong inumin ang alak sa baso.
Inumaga kami sa pag-iinom at paghihintay sa mga “sasalubungin”, ngunit walang dumating.

MADALING-ARAW nang mangyari ang gulo. Ala-una nang umuwi ako at si Dante ay napasabak sa away bandang alas-tres na.
Kinursunada siya ng mga tambay na umiinom di-kalayuan sa lugar namin. Pinalapit siya at pinagmumura. Napansin niyang marami sila- ang mga kaaway niya. Dumampot siya ng dalawang bote ng alak sa kung saan (naisanla niya ang isang baril niya at ang natitirang baril ay itinago ng tatay niya) at ipinukol sa mga nangungursunada sa kanya.
Dehado siya kung lalabanan niya nang mag-isa. Pumunta siya sa Perla—kalapit-barangay—at nagtawag ng resbak. Anim ang dala niya pag-uwi. Bawat isa ay may baril at ang isa naman ay may hawak na tres cantos na patalim.
Nagpaputok sila Dante. Takbuhan sa kung saang may masusuutan ang mga gago. Nabahag ang mga buntot. Hinabol nila. Nagpaputok muli. Bagsak ang isa, paluhod. Tinamaan sa ulo. Asintado ang isa sa kasama ni Dante. Nilapitan nila. Binaril muli, sa dibdib naman. Hindi nakuntento, sinaksak ng tres cantos sa kaliwang leeg.
Kinabukasan nang gabi, ikinuwento sa akin ni Dante ang nangyari. Putok ang balita sa lugar namin. Patay ang isa at nakaburol na sa isang maliit na kapilya ng barangay.
Iyon na pala ang huling araw na makikita ko siya sa  lugar namin.

MAGKAHALONG tuwa at lungkot ang naramdaman ko habang papalapit ako sa tarangkahan ng kulungang kinasasadlakan ng kaibigan. Namataan ko siyang nakaupo sa isang sulok at may kausap na matandang lalaking preso.
Mag-iisang taon na mula nang makulong si Dante dahil sa nangyaring iyon. Nahihiya akong lumapit sa kanya sapagkat mula nang makulong siya ay ngayon lang ako nakadalaw sa kanya.
Mayamaya’y napansin ako ng loko. Nakangiti akong nilapitan.
“ Kumusta, Son,” bungad niya sa akin.
“ Ito, okey naman. Ikaw Dant?”
“ Ito nasa oblo na,” nakangiti niyang sabi.
Pinaikli namin ang tawag sa pangalan ng isa’t isa. Dant sa Dante at Son sa Jayson.
“ Hiyang ka sa pagkain dito, a,” sabi kong nakangiti.
“ Medyo” sabay bumunghalit ng tawa.
Tumaba ng kaunti ang loko.
Marami kaming napagkuwentuhan. Tungkol sa aming lugar. Ang mga magulang niya. Mga kapatid. Iyong naiwan niyang baril sa tatay niya at kung anuano pa.
Napansin ko ang pananabik ni Dante na makalaya. Aywan kung bakit bigla akong napatingin sa kanyang mga mata. Lalong malungkot ang mga matang iyon di tulad nang mapansin ko iyon noon. Hindi maikukubli ng mga tawa at ngiti ang lungkot na ipinupukol ng mga matang iyon.
Mayamaya’y tumibo sa isip ko na ako ay isa ring bilanggo.
Siya, sa rehasrehas na bakal ng kinasasadlakang kulungan.
At ako, sa alaala ng isang mabait at mabuting kaibigan.