Thursday, January 6, 2011

Karoling*


Nanunuot sa buto ang lamig na dala ng hangin ng Disyembre. Animo’y nilalamig ang mga barungbarong na tila mga yayat, nanlilimahid  na katawan. Walang kumot na magtataboy ng lamig kundi ang nagmamasid na buwan at ang luma’t bitakbitak na tulay.

“ Alis muna ‘ko ‘Nay,” sabi ni Mary Jean sa kanyang ina na nagbabanlaw ng mga damit na nasabunan na. “ Mangangaroling lang po ako,” pagkaraa’y sabi niya.
“ Umuwi ka agad. ‘Wag kang masyadong lumayo,” tugon ng kanyang ina habang pinipiga ang isang pantalong maong.
Hawak ni Mary Jean ang dalawang pirasong kutsara at nagmamadaling lumabas ng bahay. Tinalunton ang gilid na daang paakyat sa tulay, sa pambansang lansangan ng Pasay.
Hindi pa man siya nakalalayo ng tulay ay sinimulan na niya ang pagbabahay, ang pag-awit ng pamaskong awitin kasabay ang pagpalo ng dalawang kutsara.
Sa may bahay ang aking bati
Meri krismas na mal’walhati
Ang pag-ibig ang siyang naghari
Arawaraw ay magiging Paskong lagi
           Hindi siya binigyan ng pera pagkaraan. Lakad siya uli. Hinto sa bahay na naiilawan ng christmas lights ang bintana. Sunudsunod na palo ng dalawang kutsara, kanta. Patawad, sabi ng may-ari ng bahay. Lakad siya uli. Hinto sa pang-apat na bahay. Sunudsunod na palo ng dalawang kutsara, kanta. Mayamaya’y lumabas ang isang batang babaing kaedad niya. Inabutan siya ng limampiso.
             Tengk yu! Tengk yu!
             Ang babait ninyo, tengk yu!   
             Siya si Mary Jean. Labing-isang taong gulang. Maikli ang buhok. Payat. Bilugan ang mukha at mga mata.Nakatira siya kasama ang mga magulang at nakababatang kapatid sa ilalim ng tulay. Barangay tanod ang kanyang ama samantalang labandera naman ang kanyang ina.
           Nakangiti siyang muling nagbahaybahay. Ganado siya ngayon. May limampiso na siya! Mas malakas at mas masigla siyang pumalo ng dalawang hawak na kutsara at kumanta.
Sa may bahay ang aking bati
Meri krismas na mal’walhati
Ang pag-ibig ang siyang naghari
Arawaraw ay magiging Paskong lagi.
Malayulayo na siya sa tulay kaya’t naipasya niyang umuwi na sapagkat ilang bahay na rin ang kanyang napamaskuhan at bilin din ng kanyang ina na huwag siyang lumayo.
Habang naglalakad sa gilid ng kalsada, binilang niya ang mga barya sa kanyang bulsa. Disi-otso pesos. Isang limang pisong barya at pulos mamiso na ang iba. Binalik niya muli sa kanyang bulsa pagkaraan.
Bago niya nasapit ang tulay, sinalatsalat muna niya ang mga barya sa kanyang bulsa. Malamig ang mga iyon. Pagpasok niya ng bahay ay nakita niyang nag-iisa ang kanyang nakababatang kapatid.
Mayamaya’y dumating din ang kanyang ina. May dalang bagong bestida at tsinelas.
“ Binili ko sa iyo, ‘nak,” sabi ng nanay niya habang inaabot sa kanya ang bagong bestida’t sinelas.
“ Tengk yu, ‘Nay,” nakangiti niyang sabi.
Tuwangtuwa siya. May maisusuot na siya sa Pasko. Kasi nga, tuwing darating ang Pasko, laging pinaglumaan ng anak ng amo ng kanyang ina ang suot niya. Sa Pasko, may ma’susuot na ‘ko, naisaloob niya.
“ Pa’no po si Ben, ‘Nay?” mayamaya’y tanong niya. Tinutukoy ang nakababatang kapatid.
“ Bukas ko siya ibibili. Bukas pa kasi ang bayad sa nilabhan ko kanina.”
Dinukot niya ang mga barya sa kanyang bulsa at ibinigay lahat iyon sa kanyang ina.
“ Isukat mo nga anak kung kasya ang nabili ko sa iyo,” utos ng kanyang ina.
Nagmamadali niyang isinuot ang bestida pati ang tsinelas.
“ Tama lang pala sa iyo anak, e.”
Kinabukasan, masayang ipinamalita ni Mary Jean ang kanyang bagong bestida at tsinelas sa mga kalaro.
Pagsapit ng alas-sais ng gabi, sinimulan na niya ang pangangaroling. Malapit nang magpasko, kailangan ko pang makapag-ipon para may makain kami sa Pasko, naisaloob niya.
Ilang pirasong lata ng sardinas, miswa, mumurahing pasta at isang pakete ng sarsa ng spaghetti ang naipon niya sa pangangaroling.
Sana makarami ako ngayon, naibulong niya sa sarili. Ilang araw na lang ay Pasko na! Nagbahaybahay na naman siya. Ilang beses na narinig ng paligid ang kanyang sunudsunod na pagpalo ng dalang kutsara at ang kanyang pagkanta.
Sa may bahay ang aking bati
Meri krismas na mal’walhati
Ang pag-ibig ang siyang naghari
Arawaraw ay magiging Paskong lagi.
Nakarami nga siya pagkaraan ng ilang pagbabahay. Beinte-siyete pesos. Tatlong limampisong barya, sampung mamiso at walong beinte-singko sentimos.
Nang malapit na siya sa tulay, patakbo siyang bumaba ng tulay patungo sa kanilang bahay. Hawak niya sa kaliwang kamay ang dalawang kutsara. Ilang hakbang na lamang at nasa bahay na siya.
Di-kalayuan sa kanya, nakabitin sa pagkakaturnilyo ang isang malaki, mabigat na sirang tubo ng tubig. Tumalsik ang tubo sa sobrang lakas ng daloy ng tubig. Tumama’t bumagsak sa kanyang ulo ang malaki, mabigat na tubo ng tubig. Nabasag ang kanyang bungo pati ang sementadong sahig. Kumalat ang kanyang dugo sa sahig, ang dalawang hawak na kutsara, ang mga barya sa kanyang bulsa.
Ilang araw na lang at Pasko na. Maisusuot na niya ang bagong bestida’t sinelas na ibinigay sa kanya ng kanyang ina.

*Alay kay Mary Jean G. Suela (Disyembre 22, 2010 R.I.P), 11 taong gulang na nabagsakan ng malaking elbow pipe sa ulo pauwi galing sa pangangaroling.

 Disyembre 24, 2010
Tundo, Maynila