Friday, October 1, 2010

Kapirasong Papel Para Kay Ama


Mainit. Mahapdi sa balat. Nakapapaso. Waring naghihimagsik ang araw sa isinusuka nitong init na dumadantay sa bawat bumbunan at balat ng bawat nilalang, sumisiping sa bawat naghuhumindig na mga gusali, sa mga establisimyento- malaki o maliit, sa mga aspaltadong daan, sa mga sementadong lansangan at mga kabahayan- mga nakaluhod  na barungbarong sa umaalingasaw at nakasusulasok na amoy ng estero, mga dikitdikit na kubakob na tila mga nakahanay na nitso sa sementeryo na kayakap araw-gabi ang ilog na nakalutang-inaanod ang iba’t ibang basura, mga marumi’t makipot na paupahang entresuwelo, at iba pang maaaring tirhan ng mararalitang tagalunsod.
 Habang naghihintay ay buubuong butil ang namuo sa malapad na noo ni Mario, naglandas sa kanyang humpak na pisngi at nanuloy hanggang sa kanyang payat na leeg. Dumukot si Mario mula sa bulsa ng kanyang kupasing pantalong maong ng panyo. Pinunasan niya ang leeg at ang mukhang nangingintab sa pawis habang ang kanyang isipan ay naglalaro sa mga masasayang alaala ng kanyang kamusmusan at pagbibinata sa bayang kinalakhan.
Ilang saglit, pumalag sa kanyang isipan ang palaging paalaala sa kanya ng kanyang ama.
“Mario, pagbutihin mo ang iyong pag-aaral sa Maynila. Tapusin mo ang iyong kurso. Ayokong matulad ka sa akin at sa lahat ng tagarito. Ayokong balang-araw ay maging magsasaka ka rin at pagsisihan mo tulad ng pagsisisi ko na hindi ko natapos ang aking pag-aaral. Iahon mo sa kahirapan ang ating pamilya anak.”
Sa lugar na iyon, sa kanilang probinsiya, lahat ay pulos magsasaka. Ang lahat ay alipin ng lupa. Lupang kanilang libingan pagdating ng araw. Wala man lang ni isa sa kanila na nangarap na makaaahon sila sa kanilang abang kalagayan. Lahat ng tagaroon, elementarya lamang ang natapos. Minarapat na tumigil at tumulong sa mga magulang sa gawaing bukid, sapagkat alam nilang magastos at hindi kaya ng kanilang mga magulang ang pag-aralin sila. Atrasado ang pamumuhay sa lugar na iyon. Napakapayak. Sa mga tagaroon, kung ikaw ay isang anak-magsasaka, mamamatay kang isang magsasaka din. Isang mangmang. Ngunit hindi sa ama ni Mario.
Huminto sa kanyang harapan ang isang pampasaherong bus at nakasulat sa harap ng sasakyan ang pangalan ng kanilang probinsiya. Sumakay siyang bitbitbitbit ang kanginang masasayang alaala ng kanyang kamusmusan at pagbibinata kapiling ang kanyang ama, ang mga palay, ang mga punongkahoy, ang mga ibon, ang mga insekto at iba pa. Sukbitsukbit sa kaliwang balikat ang isang malaking bag at bitbitbitbit sa kanang kamay nito ang isang maliit na maleta.
At nang maamoy na niya ang malamyos at sariwang hanging nagpapayuko sa mga tanim na palay, nagpapakaway sa mga talahib sa tumana, nagpapaawit sa mga kawayan at nagpapasayaw sa mga punongkahoy na kanyang nadaraanan, biglabiglang pumunit sa kanyang may kaitimang mukha ang mga ngiti ng pagkasabik sa bayang nawalay sa kanya ng apat na taon.
Natutuwa ako anak at malapit ka nang magtapos. Hindi ko man alam, nararamdaman ko na hindi biro ang ginawa mong pagsisikap diyan sa Maynila. Hintayin mo ako diyan anak at darating ako sa araw ng iyong pagtatapos. Matagal ko nang hinihintay na makita kitang hawak mo ang iyong diploma at nasa  harap ng maraming tao. Ang laking pasasalamat ko. Hintayin mo ako diyan. Darating ako.
Ngayon, hawak niya ang sulat ng kanyang ama. Aywan ni Mario kung bakit ganoon na lamang ang kanyang pagkabagabag kung bakit hindi nakarating ang ama sa pinakamimithing araw nito para sa kanya. Nag-aalaala, kinakabahan. Ang kanginang mukha ng pagkasabik ay napalitan ng hintakot at pangamba. Ayaw niyang mag-isip ng mga alalahaning subok ikatakot niya  para sa amang pinangulilahan ng apat na taon.
Mag-isa lamang ang kanyang ama sa bahay sapagkat nag-iisang anak siya. Ang ina na hindi niya nakita ay sinabing namatay matapos siyang ipanganak dahil sa kahinaan ng pangangatawan nito nang siya’y ipinagbubuntis ng ina. May kapirasong lupa ang kanyang ama na itinuturing na kaisaisang kayamanan nito kasama ang kanilang maliit na bahay na gawa sa kahoy. Kung tutuusi’y nakararaos sila sa arawaraw na pangangailangan kahit na nag-aaral siya ng hayskul ng mga panahong iyon. Pagkatapos niya ng hayskul, pinagsumikapan ng kanyang ama na pag-aralin siya sa isang pamantasan sa Maynila. Ang perang kinikita sa anihan ng kanilang pananim na palay ang kanyang ipinambabayad sa matrikula kada semestre at sa inuupahang entresuwelong  di kalayuan  sa umaalingasaw na estero ng lugar. Ipinagkakasya na lamang ni Mario ang perang ipinadadala sa kanya ng ama. Gusto niyang magtrabaho bilang tulong na rin sa kanya at para makaipon na rin ng pera ngunit pinagbawalan siya ng kanyang ama nang sinabi niya sa sulat ang gusto niyang mangyari.
            Mag-aral ka nang mabuti diyan. Huwag kang magtrabaho. Pagtuunan  mo ng pansin ang iyong pag-aaral at ako na ang bahala sa panggastos mo. Dadagdagan ko pa.
            Iyon ang huling bahagi ng sulat ng kanyang ama. Ang sa ama niya’y makasisira lamang ng kanyang pag-aaral ang pagtatrabaho at baka ito pa ang maging dahilan upang hindi niya matapos ang kolehiyo.
Alam  niya kung gaano siya  kamahal ng ama. Ang pangarap nitong makatapos siya ng pag-aaral. Nagsumikap ang kanyang ama. Araw-gabing nagtatrabaho sa bukid. At para madagdagan ang kanyang ipinadadala sa anak, namasukan ang ama sa kilalang propiyetaryo ng kanilang lugar bilang magsasaka. Madaling-araw pa lang, gumigising na ang kanyang ama para magtrabaho sa bukid. Apat na taong pagbubungkal, pagtatanim at pagsasaka ang ginawa ng kanyang ama. Halos sumuka ng dugo at mabali ang mga buto ng kanyang ama sa pagtatrabaho sa bukid kapalit ang kakarampot na halaga. Sapagkat sa isang magsasakang tulad ng kanyang ama, ang mapagtapos ang anak sa pag-aaral ang tanging kayamanan na maipamamana nito sa kanya.
Huminto ang kanyang sinasakyang bus. Bitbit ang mga dalahin, sabik na sumakay si Mario sa traysikel na nakapila sa gilid ng daan. Dalidaling pinaandar ng drayber ang sasakyan. Mabilis. Binuksan niya ang siper ng maliit na maletang nasa tabi niya. Kinuha niya ang kapirasong papel na ipakikita niya sa kanyang ama sa oras na makauwi siya ng bahay. Nasa isipan pa rin niya ang mga alalahaning nagpapakaba sa kanya. Bakit hindi nakapunta si Itay kahapon? Binaling niya ang mga mata at isipan sa nadaraanang tanawin, tanawing nagbago mula nang umalis siya sa lugar na iyon. Malaki ang ipinagbago. Tila dayuhan siya sa lugar na iyon, naisaloob niya. Sa mapunong lugar na iyon na kinatitirikan ng isang bahay na kulay abo at ng isang maliit na bahay-pahingahan, huminto ang traysikel.
Bumaba si Mario. Kinuha ang dalahin. Iniabot ang bayad sa drayber, hindi na kinuha ang sukli at nagmamadali tinalunton ang daang iyon, pababa patungong tulay. Iyon ay gawa sa anim na pirasong puno ng kawayan na tinalian ng mga alambre upang maging isa at gawa rin sa isang pirasong kawayan ang hawakan nito.
At nang makalampas ng tulay, dalidaling binagtas ang daan patungo sa  kanilang bahay hawakhawak ang kapirasong papel. Sa malayo, nakikita na niya ang mga tagaroon. Ang kanilang mga kapitbahay. Nagtahulan ang mga aso. Napansin niyang maraming tao sa kanilang bahay. Naisip niya na nagdaos pa nang pagdiriwang ang kanyang ama sa pagtatapos nito kahapon. Bakit ngayon? Nang papalapit na siya, nagtinginan ang mga naroon, nagtahimikan. Nakita niya ang amang nakaburol. Humpak ang pisngi, lubog ang mga mata, lalong dumami ang mga puting buhok, lumalim ang mga gatla, lalong nangayayat at napansin niya ang pumuputok sa kalyong mga daliri nito.
Natulala siya. Walang imik si Mario. Tahimik ang mga tagaroon. Ilang butil ng luha ang tumulo sa mga mata ni Mario. Hindi niya nagawang humagulgol at ang hawak niyang kapirasong papel ay nalukot sa matinding pagkakakuyom ng mga daliri.
Maingay na ang mga nakikipaglamay. May mga nagbabaraha, nag-iinuman at nagkukuwentuhan. Sa di kalayuan, maiingay na rin ang mga nag-iinuman, namumula na ang mga mukha. Hinahawi ng mga malalamlam na liwanag ng ilaw ng bombilya ang dilim ng gabi.
“Tagay mo Kadyo,” sabi ng tanggerong nakayuko na nang ibigay ang basong may lamang alak.
Sinaid ni Kadyo ang laman ng baso at humithit ng sigarilyo. Ibinuga ang usok at dumura sa lupa. Pasimpleng tinuyo ng paa ang kanyang dura.
“Alam mo Kadyo, bilib ako d’yan ke Ka Tomas. Biruin mo e nakuha pang pag-aralin sa Menila ‘yung anak at mapagtapos,” ani Bruno na ang pagkakaupo ay tila isang rebulto na hindi man lang yumuko o tumagilid.
“Akala ko e si Mang Andoy ang pinakamasipag dito sa ‘tin. Pero ‘di pala,” sabi ni Mando habang titingintingin kay Kadyo at sa tanggerong si Jose na  hanggang ngayon ay nakayuko pa.
“Sayang nga lang at hindi  nakita ni Ka Tomas itong si Mario,” nanghihinayang na sabi ni Kadyo habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo.
“Ikaw na ang magtagay Kadyo. Bagsak na si Jose,” utos  ni Mando.
Nilagyan ni Kadyo ang baso ng alak at ibinigay kay Bruno. Sinaid ni Bruno ang laman at parang nabigla, tumapon ang kaunting alak sa kanyang leeg.
“Hindi na ‘ata nagpapahinga’yang si Ka Tomas. Nagsilbi pa ke Don Fernando,” sabi niya habang pinupunasan ang basang leeg.
“Naaawa ako sa anak na naiwan ni Ka Tomas,” sagot naman ni Mando.
At biglang may pumailanlang na malakas na sigaw sa kalawakan ng gabi.
“Putang ‘na!!! Bakit!!! Bakit!!!”
Nagulat ang lahat na nakikipaglamay. Tumingin ang lahat sa kanya. Tumahimik. Umiiyak si Mario. Malakas. Humahagulgol. At ilang mga nagbabaraha, nag-iinuman at nagkukuwentuhan ay naluha sa nakitang yaon.
Kinabukasan, inilibing ang kanyang ama. Ang kapirasong papel na masaya niyang ipakikita sa ama ay isinama niya sa loob ng kabaong. Nag-alisan na ang mga kapitbahay na nakipaglibing maliban sa isang lalaking nasa di kalayuan at pinagmamasdan si Mario. Nilapitan siya ng lalaki.
“Mario,” bungad ng lalaki.
Napatingin si Mario sa direksiyon kung saan nanggaling ang boses.
“Ako si Abner, kaibigan ng tatay mo. Lagi kaming magkasama sa bukid,” kuwento nito.
Hindi siya nagsasalita. Pinakikinggan niya ang taong nakatayo sa kanyang harapan.
“Kahapon, umaga, pumunta kami ng tatay mo sa malaking bahay ni Don Fernando para kunin ang bayad sa pagtatrabaho ng tatay mo sa kanya… para makapunta kami ng Maynila at makadalo sa pagtatapos mo,” tumigil ang lalaki at pinagmasdan si Mario.
Si Mario, nakikinig pa rin. Tahimik sa pagkakaupo sa harap ng puntod ng ama.
“Hindi binayaran ang tatay mo. Sinigawan. Sinabing me utang ang tatay mo at ang bayad sa kanya ay kulang pa sa utang niya sa don. Minura ang tatay mo. Pinagmumura. Nagalit ang tatay mo. Binunot ang itak na nakasukbit sa baywang. Tinaga si Don Fernando. Tinamaan sa kamay. Narinig ng mga alipores ang sigaw nito. Inutusang patayin ang tatay mo. ‘Ala akong nagawa, pinukpok ng baril ang ulo ko. Nagising na lang ako na nasa bahay na ako. Patawarin mo ako, ‘di ko natulungan ang tatay mo,” paliwanag nito.
Payapa ang kalooban ni Mario parang ilog na hindi umaagos. Kalmado. Ni hindi nag-iba ang damdamin nang malaman ang nangyari sa kanyang ama. Kakaiba ang payapang iyon. Payapang mas nakahihigit sa galit at poot. Payapang nakatatakot. Napag-alaman niya mula sa mga kapitbahay na ang maliit na lupa nila ay pagmamay-ari na ni Don Fernando. Malaki ang pagkakautang diumano ng kanyang ama kay Don Fernando kaya’t inangkin ang lupa bilang kabayaran. Napag-alaman din niya na namasukan ang kanyang ama kay Don Fernanado upang madagdagan ang kanyang perang panggastos sa Maynila.
Napag-isipisip niya na ang kapirasong papel na iyon na ilang taon niyang pinaghirapan, ang kapalit ay ang kanilang lupa at ang buhay ng kanyang sariling ama.
Papalubog na ang araw nang siya’y umuwi. Hindi rin nagtagal at umalis rin agadagad ng bahay daladala ang isang bagay na kailangan sa kanyang pupuntahan. Nagmamadaling tinalunton ang maalikabok na daang yaon na naglalagos sa mga pananim na palay at gulay at mga naglisawang damong ligaw na humahangga sa kinatitirikan ng malaking bahay na iyon. Mabilis ang kanyang paglalakad. Halos patakbo na. Mapagpasiya. Ilang minutong paglalakad ay nasapit na niya ang malaking bahay.
Nakita niya ang kanyang pakay. Nakaupo sa upuang gawa sa bakal, nasa bakuran at humihithit ng tabako. Napansin kaagad ni Mario ang kaliwang kamay nito na nakabenda at hindi maigalaw nang maayos. Gawa ni Itay, naisaloob niya. Wala ang mga alipores. Nilapitan niya agad ang kanyang pakay. Mayamaya’y napansin siya nito.
“Sino ka?,”gulat na tanong nito.
Ilang saglit niyang pinagmasdan ang mukha ng taong pumatay sa kanyang ama. Napansin ni Don Fernando ang hawak ni Mario. Nanlaki ang mga mata nito at namutla nang tanggalin ni Mario ang itim na damit na nakabalot sa kanyang daladala. Bumungad ang isang matalim na itak. Isa, dalawa, tatlo, apat, maraming beses. Sunudsunod. Hanggang sa sumambulat sa kanyang mukha ang dugo ng propiyetaryo.

Puwing Sa Kaliwang Mata

Katirikan ng araw ngunit ang mga tao’y walang panghihinawang hinaharap ang masalimuot na landas ng buhay. Nahawa sa paroo’t paritong mga  sasakyang nag-iiwan lamang ng ingay at usok sa dibdib ng  kalsadang kasiping gabi’t araw ang mga taong itinakwil, pinabayaan ng lipunan.
            Nakaupo ako sa dulong upuan ng dyip habang binabagtas ang kahabaan ng  maalikabok na kalsada ng Espanya sa Maynila nang biglang sumakay mabaho’t marungis na mag-inang badjao.
            Hindi pa man nakauupo ang mag-ina ay nag-aabot na ito ng ilang piraso ng  puting sobre sa mga pasahero na nakasulat ang ganito:
           
            Magandang araw po.
Ako po ay isang badjao.
Humihingi po ng konting tulong.
Salamat po.

            Magulo ang maruming buhok ng inang badjao. Sunog-sa-araw ang balat na kakikitaan ng mga pantal at sariwang sugat. Nakasuot ng pulang daster na naguguhitan ng mga halaman at bulaklak. Nakasinelas ng gomang pudpod ang mga paang nangangapal sa kalyo’t dumi. Sapupo ng tila kumot na nangingitim sa dumi ang anak na nasa isang taon ang gulang. Payat ang bata. Marumi ang maliit na pisngi. Malamlam ang mga mata at ang mga kamay at paa’y may galis.
            Dumukot ako sa bulsa ng aking pantalong maong ng pera. Mga ilang piraso ng piso’t limampiso at papel na dadalawampuin. Binuksan ko ang sobre habang nakatingin sa inang badjao na naghihintay sa mga pasaherong maglalagay ng pera sa loob ng sobre. Inilagay ko ang tanging papel na pera at ibinigay sa inang badjao.
            Bago bumaba ang mag-ina ay hinawakan niya ako sa braso at nagwika sa bahaw na tinig.
            “ Salamat iho.” Ngumiti pagkatapos.
            Aywan ko kung bakit hindi ako nakapagsalita at ni nakakilos man lang.
            Naramdaman ko ang makapal at magaspang na palad ng kanyang butuhang kamay.
            Habang inihahatid ng aking tingin ang papalayong mag-inang badjao na nakikipagpatintero sa mga mabilis na sasakyan, biglabigla, napuwing ako at nabasa ng luha ang aking kaliwang mata.