Friday, October 1, 2010

Puwing Sa Kaliwang Mata

Katirikan ng araw ngunit ang mga tao’y walang panghihinawang hinaharap ang masalimuot na landas ng buhay. Nahawa sa paroo’t paritong mga  sasakyang nag-iiwan lamang ng ingay at usok sa dibdib ng  kalsadang kasiping gabi’t araw ang mga taong itinakwil, pinabayaan ng lipunan.
            Nakaupo ako sa dulong upuan ng dyip habang binabagtas ang kahabaan ng  maalikabok na kalsada ng Espanya sa Maynila nang biglang sumakay mabaho’t marungis na mag-inang badjao.
            Hindi pa man nakauupo ang mag-ina ay nag-aabot na ito ng ilang piraso ng  puting sobre sa mga pasahero na nakasulat ang ganito:
           
            Magandang araw po.
Ako po ay isang badjao.
Humihingi po ng konting tulong.
Salamat po.

            Magulo ang maruming buhok ng inang badjao. Sunog-sa-araw ang balat na kakikitaan ng mga pantal at sariwang sugat. Nakasuot ng pulang daster na naguguhitan ng mga halaman at bulaklak. Nakasinelas ng gomang pudpod ang mga paang nangangapal sa kalyo’t dumi. Sapupo ng tila kumot na nangingitim sa dumi ang anak na nasa isang taon ang gulang. Payat ang bata. Marumi ang maliit na pisngi. Malamlam ang mga mata at ang mga kamay at paa’y may galis.
            Dumukot ako sa bulsa ng aking pantalong maong ng pera. Mga ilang piraso ng piso’t limampiso at papel na dadalawampuin. Binuksan ko ang sobre habang nakatingin sa inang badjao na naghihintay sa mga pasaherong maglalagay ng pera sa loob ng sobre. Inilagay ko ang tanging papel na pera at ibinigay sa inang badjao.
            Bago bumaba ang mag-ina ay hinawakan niya ako sa braso at nagwika sa bahaw na tinig.
            “ Salamat iho.” Ngumiti pagkatapos.
            Aywan ko kung bakit hindi ako nakapagsalita at ni nakakilos man lang.
            Naramdaman ko ang makapal at magaspang na palad ng kanyang butuhang kamay.
            Habang inihahatid ng aking tingin ang papalayong mag-inang badjao na nakikipagpatintero sa mga mabilis na sasakyan, biglabigla, napuwing ako at nabasa ng luha ang aking kaliwang mata.

4 comments:

  1. Rose Ann Quiñones
    DApat ang mga ganyan di masyadong binibigyan,dahil mamimihasa lang sila.Pagkatapos kapag di mo biniggyan kung anu-ano pa ang sasabihin sa iyo.Tapos may mangyayari pang masama.

    ReplyDelete
  2. ahmmn sana naman yong mga badjao matuto silang magtrabaho ng di sila umaasa ng umaasa sa ibang tao...at mabigyan nila ng magandang buhay ung mga anak nila...ahmmn kawawa naman yong lalaki nagbigay na nga napuwing pa..bakit kaya dahil kaya sa alikabok o naiiyak sya...sa susunod magshade sya para di sya napupuwing...

    ReplyDelete
  3. ang pag kapuwing minsan nakakainis o kaya ay nakakaiyak. tulad ng badjao minsan nanakaawa sila pero minsan nakakainis karamihan sa kanila na nanamantala na umaasa sa ibang tao .

    ReplyDelete
  4. * pare, malaking titik ang Badjao. Pangngalang pantangi 'yan.

    matagal na yata ito, ngayon ko lang nabsa. simple, pero maganda. dagli ito, pare. maganda ang dulo. tuloy lang sa pagsulat, humihina yata ang paglalagay mo sa blog, sana nga, bumubuwelo ka lang.

    ReplyDelete