Iyon ay isang bakal na pintuang napipintahan ng matingkad na pula. Sa loob nito, makikita ang isang makitid na hagdang-kahoy paakyat sa isang kuwarto na ang pintua’y barnisado at gawa sa mumurahing kahoy. Sa gilid ng pintuan, mayroong maliit na basurahang plastik na kulay bughaw. Napagigitnaan ang magkabilang gilid ng pintuang bakal na iyon ng dalawang establisimyento. Ang isa’y maliit na karinderyang puntahan -dili ng mga tao at isang maliit na tindahang sarisari.
Nakaupo si Ella sa may bangketa, nakatanghod sa nagdaraan tila humihingi ng kaunting awa sa dahop na kapaligiran. Walong taong gulang si Ella. Pantay-balikat ang nakalugay na maruming buhok. Payat. Humpak ang pisngi. Malamlam ang mabibilog na mata. At sa manakanakang pagngiti’y pinanunungawan ng dilaw na mga ngipin at mangilanngilang bungi. Nangungutim ang suot na puting t-shirt na lampas siko ang manggas at pantay-tuhod ang laylayan. Nakayapak. Mahahaba at pulos marurumi ang mga kuko sa kamay at paa.
Matamang pinagmamasdan ni Ella ang pintuang iyon. Sa bawat taong nagdaraan, nakalahad ang kanyang munting kamay. Aywan ni Ella kung bakit naging interesado siya sa lugar na iyon. Sa tuwing nagdaratingan ang mga tao sa lugar na iyon, marami ang nagbibigay sa kanya ng barya. At ang mga taong iyon ay pumapanhik sa loob ng kuwartong nasa itaas.
Matagal nang nakapuwesto si Ella sa bangketang iyon. Napapansin niya na bawat araw, lalo na kung araw ng linggo, ay maraming taong dumarating. At kasabay noon ang pagkahabag sa kanya at pagbibigay ng mga ito ng barya.
Arawaraw. Tuwing ikaapat ng hapon hanggang maghatinggabi ay may dumarating. Kada oras may limang babae’t lalaking dumarating.
“Parang simbahan…an’daming pumupunta,” aniya ng pabulong.
Napansin ni Ella na ang lahat ng nagpupunta sa lugar na iyon, matapos umakyat sa kuwartong nasa itaas, ay mga nangakangiti at nagtatawanang nananaog.
Gustong akyatin ni Ella ang kuwartong nasa itaas. Ngunit nasa makalabas lamang ng pintuan sa ibaba si Mang Dado. Takot siya rito. Sapagkat ilang beses na niyang tinangkang akyatin ang kuwartong nasa itaas. Ngunit bigo siya. Lagi siyang hahawakan sa buhok at hahaltakin at mapapasigaw siya sa sakit. Kapag naroon si Mang Dado--umaalis lamang sa pagkakaupo sa harap ng pintua’y kung bibili ng sigarilyo na nasa tabi lamang ang tindahan--ay kuntento na lamang siyang nakaupo sa bangketa at namamalimos at sisilipsilip sa pintuang iyon.
Malaking tao si Mang Dado. Mataba at malapad ang katawan. Usli ang malaking tiyan; waring buntis na hinihimashimas- libangan nito pagkatapos kumain. Malaki ang panga. Makapal ang tubo ng kilay at malapad ang mukha.
Minsan, napansin ni Ella na wala sa labas si Mang Dado. ‘alang bantay, naisaloob niya. Pagkakataon na niya. Nagmamadali niyang inakyat ang makitid na hagdan hanggang marating niya ang itaas nito. Gusto niyang makita ang loob ng kuwarto. Gusto niya ring sumaya tulad ng mga taong lumabas-pumasok sa kuwartong iyon na mga nakangiti at masasaya. Nagmamadali niyang pinihit ang nikiladong pihitan. Pumihit iyon. Bumukas. Dahandahan niyang binuksan ang pinto. Nagulat siya sa loob ng kuwarto. Namangha. Tuwangtuwa. Madilim, tanging ang iba’t ibang kulay ng liwanag na umiikot sa buong kuwarto ang nagsisilbing ilaw. May kalakihan ang kuwarto.
“Ang ganda…kulay reynbow,” pamanghang sabi niya.
Lumingalinga siya. At dirediretsong pumasok sa loob. Napansin niya ang mga tabing na telang itim. Ngunit nakapukol pa rin ang kanyang mga mata sa iba’t ibang kulay ng liwanag na iniluluwal ng hugis-bolang nakasabit sa kisame.
“Sayang ‘ala si Ana. Sana ‘andito s’ya para nakita n’ya ‘yung reynbow…ang ganda pa naman,” bulong ni Ella sa sarili.
Mayamaya’y may narinig siyang mahihinang tawa’t ungol. Sa ilang saglit na pakikinig, napansin ni Ella na ang ingay na iyo’y nagmumula sa kabila lamang ng itim na telang nakatabing na nasa harap niya.
Dahandahan niyang nilapitan. May maliit na butas ang tela na pantay-noo niya. Naningkayad siya at sinilip ang loob niyon. Nakita niya ang isang babae at lalaki. Nakapatong sa ibabaw ng lalaki ang babae. Tumatawa ang babae. Masaya ang dalawa habang umaalon ang dalawang nilalang sa ibabaw ng kama.
Napaisip siya at nagtaka. At hindi namalayan ni Ella na ang hugis-bolang nakasabit sa kisame na pinagmumulan ng iba’t ibang kulay ng liwanag ay hindi na umiikot at hindi na nagluluwal ng kulay bahagharing liwanag.
sa mga ganitong kuwento ng kamulatan nsasalamin ang sitwasyon ng lipunang ginagalawan antin. si ella ay bunga lamang ng dahas ng ating panahon, manipestasyon ng kaululan sa laman na hindi matibag sa kaibuturan ng tao.
ReplyDeletepare, panalo talaga ang kuwentong 'to...
post ka pa! gawa ka pa madami!
Rose Ann Quiñones
ReplyDeleteTama nga bawat tao ay naghahanap ng kasagutan,pero sa isang katulad ni Ella na murang edad pa lamang ay hindi niya dapat pinasok ang gusaling iyon.
....sa buhay ng tao di maiiwasan ang mga tanong lalo na kong wala itong ideya sa isang bagay na nakikita niya...sa isang batang musmos na katulad ni ella kahit hindi niya alam ang isang bagay na yon malaman at malaman niya kung ano ang ginagawa ag dalawang iyon....kaya sa buhay ng tao kahit gaano kahirap intindihin ang isang bagay maiintindihan at maiintindihan niya ito kahit gaano man ito kahirap...
ReplyDeletebilang bata maraming katanungan sa kanyang isipan ang mga gawaing hindi agad nya naiitindihan, na siya naghahanap ng kasagutan at walang makapagbigay sa kanya kaya sya mismo ang hahanap ng kasagutan na kanyang maiintindihan.
ReplyDelete