Wednesday, February 9, 2011

Midya sa Larangan ng Manipulasyon


                                   
            All media works us over completely. They are so pervasive in their personal, political, economic, aesthetic, psychological, moral, ethical, and social consequences that they leave no part of us untouched, unaffected, unaltered. The medium is the massage. Any understanding of social and cultural change is impossible without the knowledge of the way the media work as environments.—McLuhan & Fiore.

Ayon kina McLuhan at Fiore, kinokontrol at minamanipula ng midya kung paano mag-isip at kumilos ang tao. Kung paano nila pasunurin ang pag-iisip ng tao sa mga bagay at usaping panlipunan*. Pansinin ang ibinabandilang mga programa sa telebisyon, kung hindi paglangoy sa pantasya’t kababalaghan, ay pagmudmod ng salapi sa malawak na bilang ng mahihirap kapalit ang kanilang katatawanan sa harap ng kamera  na iyong masayang pinanonood sa telebisyon tuwing umaga, tanghali, hapon at gabi. Inilalayo ng midya ang iyong pag-iisip na ikaw, mula’t sapul, ay ginagahasa ng mapagsamantalang kapitalista’t panginoong maylupa at pinababayaan ng inutil na pamahalaang pinamumunuan ng tiwaling mga pinunong bukas-palad na inaanyayahan ang malalaking negosyanteng dayuhan na pagsamantalahan ka’t babuyin ang buong bansa.

            Kung kaya’t ang iyong pag-iisip ay nakatali sa panginoring ang dayuhang mga negosyante ang makatutulong sa ating bansa upang umunlad ang ating ekonomiya. Iniisip mo ring malaking tulong sa mahihirap ang mga programa sa telebisyong nagbibigay ng papremyo sa katatawanang pinagagawa sa mga contestant--- ang pag-iyak at pagbukas sa kanilang personal na buhay.  At sabihin pa, nasasabi mo palagi ang mga katagang  “mas mabuti pa nga ang mga iyon (panonood tungkol sa mga programang eskapista) dahil ang balita sa radyo, diyaryo at t.v., ay pulos krimen. Nakakasawa na. Paulit-ulit na lang.” di nga kasi, iyon ang layunin ng midya---ipalaganap ang pangit na mga balita upang ibaling nang sapilitan nang hindi mo namamalayan na nahuhumaling ka na  sa panonood ng mga programang tungkol sa pambihirang mga nilalang na may pambihirang kapangyarihan na magliligtas  sa buong mundo sa kasamaan at pagkawasak, sa mga maligno’t kababalaghan at marami pang katulad na programa.

Halimbawa, ang programang Willing Willie ng TV 5 tuwing gabi. Pansinin ang bawat bahagi ng game show. Kung gusto mong manalo o di kaya’y mabigyan nang mas malaking papremyo, gawin mo munang katawa-tawa ang sarili. Mas nakakatawa, mas malaki ang perang ibibigay sa iyo. Hindi pa kasama riyan ang pagluha mo dahil sa pagkukuwento mo ng iyong personal na buhay.

Kaibigan, kung may balak kang sumali sapagkat wala nang makain ang iyong pamilya’t kailangang ipatingin sa doktor ang maysakit na anak, mag-isip-isip ka muna.

            Sunod ang programang Pidol’s Wonderland kung saan iba-iba ang bawat istorya kada linggo. Hango sa Mga Kuwento ni Lola Basyang. Ikinukuwento ni Dolphy ang bawat istorya na ang katapusan ay kapupulutan ng aral. Pansinin ang bawat istorya. Tungkol sa may kapangyarihang walis, bibeng nagiging tao, nagsasalitang manika, mga engkantada, mahiwagang kuwintas na tuwing isusuot ay nagpapaganda sa bidang babae at marami pang iba na sa hinagap ay di lamang madampian ng realidad.

            Sa channel 7, sikat ang programang Machete. Tungkol ito sa bidang si Machete na nabuhay ilang daan taon ang nakalilipas at nagbalik mula sa kamatayan upang ipagpatuloy ang kanya o kanilang pagmamahalan ni Aginaya—ang kanyang kasintahan. Paano nangyari? Ayon sa istorya, inukit mula sa punongkahoy ang kabuuan ni Machete at sa hindi mapaniwalaang kapangyarihan, nabubuhay o nagiging tao muli si Machete tuwing gabi lamang upang hanapin ang kasintahan na na-reincarnate naman.

            Ang programang Alakdana, tungkol sa isang dalaga na isinilang  na may buntot ng alakdan. Paano nangyari? Hindi ipinaglihi sa alakdan kundi nakagat ang kanyang ina ng isang gintong alakdan at ang kamandag nito ang nagresulta ng kanyang buntot. Lumalabas ang kanyang buntot sa tuwing siya ay nagagalit.

            At ito pa ang isa, ang programang Dwarfina. Tungkol sa kalahating duwende at kalahating tao. Kasama riyan ang mga duwendeng may iba’t ibang kapangyarihang pinaniniwalaang nagbibigay ng sumpa sa sinumang gumambala o hindi rumespeto sa kanilang kaharian.

            Ilan lamang iyan sa mga programang nagbababad sa pantasya’t kababalaghan na kung susurii’y pambubulag sa mamamayan upang hindi maghimagsik sa abang kalagayang patuloy na nagpapahirap, isama pa ang patuloy na pagsipsip ng laman at dugo ng mga kapitalista’t panginoong maylupa sa bata-batalyong mahihirap sa bansa.

Sa mga pahayagan, bidang-bida ang hubad na larawan ng mga babae upang gamiting kasangkapan para mabili o mabenta ang diyaryo. Pambusog sa mga mata, ‘ika nga. Pansinin, mabenta ang mga diyaryong may hubad na larawan ng mga babae kaysa sa mga diyaryong walang pang-akit ng mata. Kaya lahat ng tabloid, pulos hubad na larawan ang nakabuyangyang sa harap na pahina. Mulang Toro’t Remate hanggang X- files at People’s Tonight.

            Ano ang mababasa sa mga iyan? Mga patayan, holdapan, pambobomba’t iba pa. Nariyan din ang mga istorya tungkol sa mga artista na pawang walang kabuluhan kundi usapang nakasisira ng ulo tulad ng pagkatulala ni Eugene Domingo  sa halikan nila ni Richard Gutierrrez sa kanilang pelikula, ano ang masasabi ni ganoon at ganito sa tambalang ganyan at ganire?, at mga blind item ng paboritong artista.

              Sa panonood mo ng mga iyan, wala sa isip mo na may nangyayaring news blackout. Ito ang mga halimbawa na wala kang kaalam-alam kundi mangarap na sana’y magkaroon ka ng kapangyarihan tulad ng kay Darna’t Captain Barbell at pagpantasya’t pag-idolo sa hinahangaang mga artista.

Umpisahan natin sa isyu ng Diwalwal sa  Compostela Valley---ang pinakamalaking minahan ng ginto sa bansa. Ayon a pag-aaral at masusing obserbasyon ni Edgardo Reyes, isang kilalang manunulat ng bansa, maraming anomalya ang nangyayari sa Diwalwal^.

             Una na rito ang laganap na panggagahasa sa nasabing lugar---ang walang habas na pagbubutas sa bundok at paggamit ng mercury: isang nakalalasong kemikal na ginagamit upang maihiwalay ang mga lupa’t bato sa ginto. At ang malawakang pagpuputol ng punong kahai upang gamiting haligi sa mga tunnel. Ano ang ginagawa ng DENR? Bakit hindi ito naibabalita?

Ikalawa, ang laganap at ligal na bentahan ng malalakas na kalibre ng baril at pagdadala nito na nagmula pa sa militar at PNP. Nasaan ang militar at kapulisyahan? Taga-benta na lamang ba ng baril sa Sityo Diwalwal? At ang laganap na private army ng mga negosyanteng nagmamay-ari ng mga tunnel sa bundok.

            Ikatlo, ang daan-daang namamatay sa pagguho ng lupa. Ayon sa balita, 3,4,5 tao ang patay sa pagguho ng lupa ngunit ang totoo, daan-daan ang nalilibing nang buhay sa loob ng mga tunnel. Ano ang alam ng mga tao hinggil dito? Wala. Nasaan ang midya? Ano ang baliuta? Wala.

            Nito lamang Oktubre ng nakaraang taon, naganap ang malawakang tanggalan ng mga empleyado ng ABS-CBN kasabay nito ang kanilang panawagan sa agarang pagtatayo ng kanilang piketlayn sa labas mismo ng nasabing network. 115 na manggagawa ang tinanggal ng ABS-CBN . Magpahanggang ngayon ay nakatayo pa rin ang kanilang piketlayn at patuloy pa rin silang nakikibaka sa kanilang mga karapatan. Kahit kaluskos man lamang ng balita tungkol dito ay walang nakarinig. Anumang istasyon ng telebisyon, radio at pahayagan ay nananatiling sarado sa isyung ito. Kasama ba sa batas ng pamamahayag ang pag-iwas sa isyu ng mga manggagawa ng ABS-CBN?

            Bakit nakakunot ang noo mo kaibigan? Hindi mo ba  alam ang mga nangyayari? Hahayaan mo bang malunod ka sa pantasya na pinaiigting ng midya? O aahon ka na, mag-iisip at kikilos para baguhin ang namamayaning manipulasyon sa iyo ng midya?


*McLuhan, Marshall & Fiore, Quentin: pg. 41, The Medium is the Massage, an Inventory of Effects.(USA: Bantam Books, Inc., 1967)

^Reyes, Edgardo M. : Diwalwal, Bundok ng Ginto. (C & E Publishing, Inc., 2009)


No comments:

Post a Comment