Isang taon na rin ang nakararaan ngunit malinaw pa rin sa alaala ang mga nangyari. Enero nang nakaraang taon nang makilala ko siya. Noong una’y parang isa lamang siya sa tipikal na mga kolehiyalang aking tinuturuan (hindi pa ako propesor, ojt pa lamang) ngunit nang malao’y nagkamali ako.
Isang umaga nang mapansin ko siya at ang kakatwang pakiramdam ko nang pinagagalitan ko siya dahil sa hindi kagandahang presentasyon ng kanilang grupo. Siya lamang ang may lakas ng loob na mangatwiran sa akin kung bakit ganoon ang kinalabasan ng kanilang presentasyon.
Na-guilty ako sa mga pinagsasabi ko sa grupo nila. Mula noon, inayos ko na ang pagsasalita ko sa kanila. Mula rin noon, naging interesado ako sa kanya. Hindi ko alam kung bakit pero ang alam ko, may tinamaan sa akin na naghudyat ng kapangahasan.
Di nagtagal, inumpisahan ko ang modus. Iyong tipikal na paraan para makilala ang isang babae. Malakas ang loob ko sapagkat ako ang student teacher nila at sa akin na pinahawak ni Ma’am ang kanilang klase.
Bago matapos ang klase, hiningi ko ang cellphone number niya, na ang paliwanag ko ay sakaling maaatraso ako ng dating o hindi ako makakapasok, masasabihan ko siya para ipaalam sa buong klase.
Nakuha ko ang cellphone number niya.
Kinagabihan, nag-text ako sa kanya (alam na kung saan papunta ang mga pasaring ko) hanggang sa magkalapit ang loob namin sa isa’t isa.
Siya si Mitch. 5’4 ang taas. Maputi. Lampas balikat ang malambot, mabangong buhok. Nangingislap ang mabibilog na mga mata. Sa kabuuan, napakaganda niya!
Inaya ko siyang lumabas. Mamasyal, kumain, at manood ng sine. Masaya. Hindi ko maipaliwanag kung gaano ako kasaya nang araw na iyon. Lalo na nang yumakap siya at hinawakan ang aking kamay. Masaya kaming dalawa nang araw na iyon. Di naglaon, mahal na namin ang isa’t isa.
Memorable sa akin ang isang Mall sa daang Pedro Gil sa Maynila. Kaya sa pngalawang pagkakataon, doon pa rin kami pumunta para manood ng sine. Pagkatapos naming manood ng sine, dumiretso kami sa bahay namin. Pinakilala ko siya sa nanay ko. Kumain din kami sa bahay bago umalis.
Mag-aalas-otso nang umuwi siya. Hinatid ko siya hanggang sa sakayan ng pa-Monumento sa Dibisorya. Habang nasa biyahe kami papuntang Dibisorya, nasabi niya sa akin na:
“ Sana lumala lalo ang trapik.”
“ Bakit?” patangang sabi ko.
“ Para mas matagal pa kitang makasama ngayon,” sabay yakap niya sa akin.
Nangiti ako. Sana nga, naisaloob ko.
Hindi naglipat-buwan, nagkaroon ng problema na humantong sa paghihiwalay.
Masakit!
Pinili niya ang nakaraang karelasyon. Sabi niya’y sa awa na lang at hindi sa pagmamahal. Natatakot siyang mapariwara ang buhay ng gagong iyon. Tinanggap niya ang alok ng damuho!
Ang sakit!
Pinagpalit ka sa awa! Putang inang buhay ‘to!
Sobrang sakit!
Ano ang laban ko? Mahigit tatlong taon niyang kasama ang tarantado samantalang ako, mahigit tatlong linggo lang. Alam ng loko ang bahay nila at ligal silang dalawa sa magulang niya samantalang ako, hindi ko alam ang bahay nila at iligal pa kaming dalawa.
Di nagtagal, humantong ako sa basurahan.
Ilang linggong hagulhol. Ilang linggong tulala’t masama ang pakiramdam.
Bawat minuto, nagsasalimbayan sa aking utak ang mga araw ng aming pagsasama.
Dinaig ko ang ilang taong pagsasama. Kasingsakit ang naramdaman ko tulad sa mga naghihiwalay na tatlong taon ang ipinundar.
Pinangarap kong isang umaga, ipagluluto niya ako ng almusal. Ang matulog nang sabay at gumising sa umagang magkasama at kumain magkasama.
Pinangarap ko ring magkasakit (kaso hindi nangyari, sayang!) para bilhan niya ako ng gamot at pagkain at alagaan hanggang sa gumaling. Pinangarap ko ngunit hindi natupad. Naisip kong huwag masyadong mangarap. Mahirap at masakit kapag napurnada!
Mabuti pa silang mga nagtagal nang ilang taon pagkat naranasan nila. Ako, hindi.
Di naglaon, pinunit at itinapon ko ang picture niya. May hatid na kirot ang kanyang matatamis na ngiti at matalim na titig. Ang natirang alaala niya na mahahawakan ng kamay ko ay isang maliit na piraso ng papel ( ebalwasyon niya sa pagtuturo ko sa kanilang klase) na nakasulat ang ganito:
Negative
-mainitin ang ulo.
-lakad nang lakad.
Positive
-mabait naman minsan.
-malapit sa estudyante kahit sa ilan-ilan.
-maayos magturo.
Mensahe
-Sir, ingat ka! Salamat sa lahat, hinding-hindi kita makakalimutan kahit sa’n ka mapunta… God Bless You. GOODLUCK JACK!
Mitch
At sa huli, naisaloob kong matatag at matibay pa rin ang aking kulungan.
*tugon sa panawagan ng isang kaibigang makata na sulatin pa rin ang karanasang ito.
* pare maganda. lalo pa't ang ginamit mo ay 1st person, ang tingin ko lang, kinapos nang kaunti sa detalye. mas mararamdaman pa siguro 'yung kuwento kung ipayayakap mo sa amin nang buo 'yung kuwento.
ReplyDelete