Thursday, March 24, 2011

Gatas

Walang magawa si Agnes kundi haplusin ang dibdib
ng nakababatang kapatid na si Ben sa tuwing
susumpungin ng sunudsunod, tuyot na ubo.

Naalaala niya minsan, "Ate, gusto ko ng gatas. Matagal
na 'kong di nakakainom nu'n. Ibili mo 'ko Ate
Agnes," hiling sa kanya ni Ben.

Wala na 'kong trabaho, Ben. Gusto niyang sabiihin.

Lumabas siya ng bahay. Nangutang. Walang
nagpautang sa kanya.

Nakita niya si Julie. Maikli ang suot na hapit
na palda. Luwa ang may kaputiang dibdib. Makapal
ang kolorete sa mukha. Nagmukhang bakla ang itsura.

Bigla, naalaala niya si Ben.

Dinadalahit ng tuyot na ubo. Nakahiga sa sahig
na nasasapnan ng manipis na karton ng noodles.
Balot ng marumi't sirang kumot.

Animo kalansay ang butuhang katawan ng kapatid.

Madaling-araw nang siya'y umuwi.

May dalang gamot. Spaghetti. Mansanas at isang
karton ng gatas.

Sinalubong siya ng ngiti ng nakahiga
sa kartong kapatid.

Nagtimpla siya ng gatas.

Akmang iaabot niya ang baso sa kapatid
nang biglang mabitiwan niya iyon.

Nabasag. Pinulot niya ang nabasag na baso.
Biglabigla, nahiwa siya niyon.

Tumulo ang dugo sa sahig. Sumangkap
iyon sa putingputing kulay ng gatas. 

Trahedya*

Ibinurol siyang malayo sa kanilang
bahay. Sabi ng marami, malaking
kahihiyan ang pagpapakamatay
niya.

Naglaslas ng pulso! Uminom ng silver cleaner!

Ilang buwan na lang tapos na niya ang hayskul.

Pinagalitan ng titser niyang matandang bading.
Ipinahiya rin ang kanyang mahal na ama.

Hindi raw siya pagtatapusin!

Labis niyang dinamdam: paninigaw, pagpapahiya
ng titser niyang matandang bading.

Ibinurol siyang malayo sa kanilang bahay.
Ibinurol at inilibing siyang ikinahihiya
ng maraming nakakikilala.


*Para kay Ging Ging

Recollection*

Recollection. Mga labinlima kaming magkakaklase.
Ilarawan ang kanyakanyang pamilya
sa iginuhit na puno.

Guhit dito, guhit doon.

Pagkatapos,
Ipaliwanag ang iginuhit na puno. Sino
si Nanay, si Tatay, si Kuya, si Ate, si Bunso,
at sino ikaw.

Nagitla ang lahat.

Si Jennylyn, nagmumura.

Pinuputang ina niya ang kanyang ama.
Bata pa lang siya, ginagahasa na siya
ng kanyang ama.



Para kay Jennylyn

Sunday, March 20, 2011

Balisa

Balisang-balisa si Padre Miguel nang matapos
ang kanyang misa.

Hindi siya mapakali. Nagkulong siya sa kanyang kuwarto.
Ayaw niyang paistorbo.

Hinubad niya ang kanyang abito. Nilapag
sa mesang napapatungan ng salamin at nagpalit
ng damit.

Hindi niya makalimutan. Isang maputi, makinis na dalaga.
Sinubuan niya ng ostiya kangina.
Pansin niya ang mabilog, malusog na dibdib
ng dalaga.

Dumukot siya sa harap ng kanyang pantalong
pambahay. Di nagtagal, nagsalsal. Inalaala
ang maputi, makinis na dalaga.

Mayamaya, tumalsik ang tamod sa kanyang hinubad na abito.


Nanay, Tatay

Mga walong taon ang edad nila. Magpinsan.
Nasa loob sila ng traysikel. Naglalaro.

Silang dalawa ang nanay at tatay. Ang dalawa
pang kalaro ay mga anak. Inuutusan nilang
dalawa ang kanilang mga anak na manguha
ng nangalaglag na mga hinog  na sampalok.

Ang mag-asawa, panakaw na naghihipuan
sa loob ng traysikel.

Si Mama*

Huling lamay ng patay. Malungkot ang pamilya
ng namatay. Humahagulgol na nagsasalita
ang bunsong anak na babae sa hawak
na mikropono.

Mahal na mahal ko si Mama. Mahal na mahal
ko siya. Maraming magbabago ngayong wala
na si Mama.

Hagulgol. Hagulgol. Hagulgol.

Sa di kalayuan: Maiingay
ang mga nakikipaglamay. May nagbabaraha,
may nagkukuwentuhan at may nag-iinuman
sa tabi.

Maingay ang lahat maliban sa pamilya
ng namatay. Tahimik at malungkot. Mugto
ang mga mata.

Kinabukasan, ililibing ang ina. Pag-uwi nila,
walang ilaw sa kanilang bahay.


*Para kay Ana