Thursday, March 24, 2011

Gatas

Walang magawa si Agnes kundi haplusin ang dibdib
ng nakababatang kapatid na si Ben sa tuwing
susumpungin ng sunudsunod, tuyot na ubo.

Naalaala niya minsan, "Ate, gusto ko ng gatas. Matagal
na 'kong di nakakainom nu'n. Ibili mo 'ko Ate
Agnes," hiling sa kanya ni Ben.

Wala na 'kong trabaho, Ben. Gusto niyang sabiihin.

Lumabas siya ng bahay. Nangutang. Walang
nagpautang sa kanya.

Nakita niya si Julie. Maikli ang suot na hapit
na palda. Luwa ang may kaputiang dibdib. Makapal
ang kolorete sa mukha. Nagmukhang bakla ang itsura.

Bigla, naalaala niya si Ben.

Dinadalahit ng tuyot na ubo. Nakahiga sa sahig
na nasasapnan ng manipis na karton ng noodles.
Balot ng marumi't sirang kumot.

Animo kalansay ang butuhang katawan ng kapatid.

Madaling-araw nang siya'y umuwi.

May dalang gamot. Spaghetti. Mansanas at isang
karton ng gatas.

Sinalubong siya ng ngiti ng nakahiga
sa kartong kapatid.

Nagtimpla siya ng gatas.

Akmang iaabot niya ang baso sa kapatid
nang biglang mabitiwan niya iyon.

Nabasag. Pinulot niya ang nabasag na baso.
Biglabigla, nahiwa siya niyon.

Tumulo ang dugo sa sahig. Sumangkap
iyon sa putingputing kulay ng gatas. 

3 comments:

  1. * susumpungin NANG sunudsunod.

    maganda pare. back story kung back story. bago 'yata 'to e. parang alanganing dagli, lalong alanganing maikling kuwento.

    ReplyDelete
  2. pare, yan ka na kay mark. hehe.

    gusto ko ito. gusto ko. nakikita ko ang ella...

    gusto ko rin ang mga detalyeng isinangkap, halimbawa: karton ng noodles, nagmukhang bakla, manasanas...

    ok to pareng jack, nagliliyab ka a.!


    at sa iyo pareng mark, pare... hayaan nating sumiklab ang apoy ni jack, marahil soul searching ang tao o sa mas relatibong termino... muse searching... ito si jack, metamorphosis... SOON.. kilusang pampanitikan ng kontemporaryong panahon... haha...

    ReplyDelete
  3. * wala lang naman 'yon. sabagay, magandang may nagaganap na himagsikan sa panitikan.

    ReplyDelete