Tuesday, August 30, 2011

Tuwid Nga Ba Ang Nilalandas? *

           Kung babalikan ang nakaraan, totoong malaki ang gampaning naitulong ng ating wikang pambansa sa pagkakaisa at pagtatagumpay ng ating pakikipag-ugnayan sa iba pang mga Pilipino. Ang mga hidwaan at sigalot ay natapos bagamat ang usapin sa Mindanao ay hindi pa rin magpahanggang ngayon nareresolba dahil sa pulitika.
            Dumako tayo sa pulitika kung saan ang huling parirala ay akmang-akma. Tuwid na Landas. Paano nga ba makakamit ang kasaganahan at kaayusan kung ang ipinangangalandakang tuwid na landas ay hungkag at moro-moro. Masarap pakinggan ang linyang tuwid na landas kung nagagawa ng rehimeng US-Aquino. Ang usapin lamang sa pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka nito ay isang kongkretong batayan na upang masabing nasa bakubako at likulikong landas ang ating lipunan, hindi pa kasama riyan ang kabikabila at maya’t mayang pagtaas ng presyo ng langis at bilihin samantalang ang sahod ng mga manggagawa ay nananatiling  panawid-gutom lamang.
            Paliitin natin ang sakop ng diskusyon, kung ang pinakamataas na pinuno ng ating bansa ay hindi kayang ituwid ang landas ng lipunang  Pilipino, paano pa kaya ang namumuno sa isang eskuwelahan kung saan hindi naisip ang salitang konsiderasyon. Paano itutuwid ang landas ng eskuwelahan kung mismong polisiya o patakarang pinaiiral ay dispalinghado? Hindi ko lubos maisip kung paanong hindi puwedeng ayusin ang lugar na pagdarausan ng pagdiriwang dahil walang maintenance nang araw na iyon, kokonsumo ng kuryente, at baka raw makasira ng gamit ng eskuwelahan ang mga bata na magpapraktis ng kanilang presentasyon. Nakatatawang isipin, mabigat ang dahilan.
            Nagtiis na lamang ang mga bata sa mainit na parking lot at canteen. Buti na lang at hindi umulan, kung hindi lahat kami ay nasa ospital ngayon at nagdedeliryo. Kumirot tuloy sa isip ko na binabayaran ng mga bata ang koryenteng nagagamit ng eskuwelahan kasama na rito ang pasahod sa maintenance. Bakit ipinagkait? Masarap ngumiti at tumawa kapag ganyan ang nangyayari sa paligid.
            Tuwid na Landas. Tuwid nga ba ang nilalandas? Tabi-tabi po! Maraming Salamat. 



* binigkas sa araw ng pagdiriwang ng buwan ng wika sa STI COLLEGE Quezon Avenue

Thursday, August 25, 2011

Sinulid *

Tuwangtuwa siya sa kanyang pamangkin
Arawaraw niya itong ipinagpapaalam
sa magulang nito na kakargahin niya't
lalaruin.

Nang magka-asawa siya't mabuntis
Pinangarap niyang maging tulad ng kanyang
pamangkin: bibo, masayahin at malusog
ang kanyang isisilang na anak.

Lahat ng bilin ng doktor sa kanya ay kanyang
sinusunod: uminom ng vitamins, gatas,
huwag magpupuyat at magpapagod
nang hindi malaglag ang kanyang anak
at magkaroon ng diperensiya.

Ngayong kabuwanan na niya,
dinoble niya 'ika nga ang kanyang pag-iingat
at pag-aalaga sa sarili at sa dinadalang sanggol.

Ang kanyang asawa na nagtatrabaho sa pagawaan ng sigarilyo
ay madalas na nag-uuwi ng mga prutas
at kung anuanong pinaglilihian niyang pagkain.

Humilab ang kanyang tiyan.
Nataong wala ang kanyang asawa't nasa trabaho
Buti na lamang at naroon ang kanyang
ina para tumingin sa kanya.
Isinugod siya sa ospital pagkat
nararamdaman niyang manganganak na siya.

Nang siya'y magising,
 wala sa kanyang tabi ang kanyang anak.
Sumigaw siya.

Ang anak ko! Nasa'n ang anak ko?

Dumating ang kanyang asawa mula sa trabaho nito.
Lumuluha't nababaklang sinabi sa kanya:

Patay ang anak natin. Patay siya.

Lumapit ang nars kargakarga ang patay
niyang anak.


May tahi ng sinulid sa leeg...


* alay sa mga sanggol na naputulan ng leeg dahil sa kapabayaan ng mga duktor