Kung babalikan ang nakaraan, totoong malaki ang gampaning naitulong ng ating wikang pambansa sa pagkakaisa at pagtatagumpay ng ating pakikipag-ugnayan sa iba pang mga Pilipino. Ang mga hidwaan at sigalot ay natapos bagamat ang usapin sa Mindanao ay hindi pa rin magpahanggang ngayon nareresolba dahil sa pulitika.
Dumako tayo sa pulitika kung saan ang huling parirala ay akmang-akma. Tuwid na Landas. Paano nga ba makakamit ang kasaganahan at kaayusan kung ang ipinangangalandakang tuwid na landas ay hungkag at moro-moro. Masarap pakinggan ang linyang tuwid na landas kung nagagawa ng rehimeng US-Aquino. Ang usapin lamang sa pamamahagi ng lupa ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka nito ay isang kongkretong batayan na upang masabing nasa bakubako at likulikong landas ang ating lipunan, hindi pa kasama riyan ang kabikabila at maya’t mayang pagtaas ng presyo ng langis at bilihin samantalang ang sahod ng mga manggagawa ay nananatiling panawid-gutom lamang.
Paliitin natin ang sakop ng diskusyon, kung ang pinakamataas na pinuno ng ating bansa ay hindi kayang ituwid ang landas ng lipunang Pilipino, paano pa kaya ang namumuno sa isang eskuwelahan kung saan hindi naisip ang salitang konsiderasyon. Paano itutuwid ang landas ng eskuwelahan kung mismong polisiya o patakarang pinaiiral ay dispalinghado? Hindi ko lubos maisip kung paanong hindi puwedeng ayusin ang lugar na pagdarausan ng pagdiriwang dahil walang maintenance nang araw na iyon, kokonsumo ng kuryente, at baka raw makasira ng gamit ng eskuwelahan ang mga bata na magpapraktis ng kanilang presentasyon. Nakatatawang isipin, mabigat ang dahilan.
Nagtiis na lamang ang mga bata sa mainit na parking lot at canteen. Buti na lang at hindi umulan, kung hindi lahat kami ay nasa ospital ngayon at nagdedeliryo. Kumirot tuloy sa isip ko na binabayaran ng mga bata ang koryenteng nagagamit ng eskuwelahan kasama na rito ang pasahod sa maintenance. Bakit ipinagkait? Masarap ngumiti at tumawa kapag ganyan ang nangyayari sa paligid.
Tuwid na Landas. Tuwid nga ba ang nilalandas? Tabi-tabi po! Maraming Salamat. * binigkas sa araw ng pagdiriwang ng buwan ng wika sa STI COLLEGE Quezon Avenue
No comments:
Post a Comment