Saturday, February 26, 2011

Pag-ibig sa Langit*

Isang taon na rin ang nakararaan ngunit malinaw pa rin sa alaala ang mga nangyari. Enero nang nakaraang taon nang makilala ko siya. Noong una’y parang isa lamang siya sa tipikal na mga kolehiyalang aking tinuturuan (hindi pa ako propesor, ojt pa lamang) ngunit nang malao’y nagkamali ako.
                Isang umaga nang mapansin ko siya at ang kakatwang pakiramdam ko nang pinagagalitan ko siya dahil sa hindi kagandahang presentasyon ng kanilang grupo. Siya lamang ang may lakas ng loob na mangatwiran sa akin kung bakit ganoon ang kinalabasan ng kanilang presentasyon.
                Na-guilty ako sa mga pinagsasabi ko sa grupo nila. Mula noon, inayos ko na ang pagsasalita ko sa kanila. Mula rin noon, naging interesado ako sa kanya. Hindi ko alam kung bakit pero ang alam ko, may tinamaan sa akin na naghudyat ng kapangahasan.
                Di nagtagal, inumpisahan ko ang modus. Iyong tipikal na paraan para makilala ang isang babae. Malakas ang loob ko sapagkat ako ang student teacher nila at sa akin na pinahawak ni Ma’am ang kanilang klase.       
                Bago matapos ang klase, hiningi ko ang cellphone number niya, na ang paliwanag ko  ay sakaling maaatraso ako ng dating o hindi ako makakapasok, masasabihan ko siya para ipaalam sa buong klase.
                Nakuha  ko ang cellphone number niya.
                Kinagabihan, nag-text ako sa kanya (alam na kung saan papunta ang mga pasaring ko) hanggang sa magkalapit ang loob namin sa isa’t isa.
                Siya si Mitch. 5’4 ang taas. Maputi. Lampas balikat ang malambot, mabangong buhok. Nangingislap ang mabibilog na mga mata. Sa kabuuan, napakaganda niya!
                Inaya ko siyang lumabas. Mamasyal, kumain, at manood ng sine. Masaya. Hindi ko maipaliwanag kung gaano ako kasaya nang araw na iyon. Lalo na nang yumakap siya at hinawakan ang aking kamay. Masaya kaming dalawa nang araw na iyon. Di naglaon, mahal na namin ang isa’t isa.
                Memorable sa akin ang isang Mall sa daang Pedro Gil sa Maynila. Kaya sa pngalawang pagkakataon, doon pa rin kami pumunta para manood ng sine. Pagkatapos naming manood ng sine, dumiretso kami sa bahay namin. Pinakilala ko siya sa nanay ko.  Kumain din kami sa bahay bago umalis.
                Mag-aalas-otso nang umuwi siya. Hinatid ko siya hanggang sa sakayan ng pa-Monumento sa Dibisorya. Habang nasa biyahe kami papuntang Dibisorya, nasabi niya sa akin na:
                “ Sana lumala lalo ang trapik.”
                “ Bakit?” patangang sabi ko.
                “ Para mas matagal pa kitang makasama ngayon,” sabay yakap niya sa akin.
                Nangiti ako. Sana nga, naisaloob ko.
                Hindi naglipat-buwan, nagkaroon ng problema na humantong sa paghihiwalay.
                Masakit!
                Pinili niya ang nakaraang karelasyon. Sabi niya’y sa awa na lang at hindi sa pagmamahal. Natatakot siyang mapariwara ang buhay ng gagong iyon. Tinanggap niya ang alok ng damuho!
                Ang sakit!
                Pinagpalit ka sa awa! Putang inang buhay ‘to!
                Sobrang sakit!
                Ano ang laban ko? Mahigit tatlong taon niyang kasama ang tarantado samantalang ako, mahigit tatlong linggo lang. Alam ng loko ang bahay nila at ligal silang dalawa sa magulang niya samantalang ako, hindi ko alam ang bahay nila at iligal pa kaming dalawa.
                Di nagtagal, humantong ako sa basurahan.
                Ilang linggong hagulhol. Ilang linggong tulala’t masama ang pakiramdam.
                Bawat minuto, nagsasalimbayan sa aking utak ang mga araw ng aming pagsasama.
                Dinaig ko ang ilang taong pagsasama. Kasingsakit ang naramdaman ko tulad sa mga naghihiwalay na tatlong taon ang ipinundar.
                Pinangarap kong isang umaga, ipagluluto niya ako ng almusal. Ang matulog nang sabay at gumising sa umagang magkasama at kumain magkasama.
                Pinangarap ko ring magkasakit (kaso hindi nangyari, sayang!) para bilhan niya ako ng gamot at pagkain at alagaan hanggang sa gumaling. Pinangarap ko ngunit hindi natupad. Naisip kong huwag masyadong mangarap. Mahirap at masakit kapag napurnada!
                Mabuti pa silang mga nagtagal nang ilang taon pagkat naranasan nila. Ako, hindi.
                Di naglaon, pinunit at itinapon ko ang picture niya. May hatid na kirot ang kanyang matatamis na ngiti at matalim na titig. Ang natirang alaala niya na mahahawakan ng kamay ko ay isang maliit na piraso ng papel ( ebalwasyon niya sa pagtuturo ko sa kanilang klase) na nakasulat ang ganito:
                Negative
                -mainitin ang ulo.
                -lakad nang lakad.
                Positive
                -mabait naman minsan.
                -malapit sa estudyante kahit sa ilan-ilan.
                -maayos magturo.
                Mensahe
                -Sir, ingat ka! Salamat sa lahat, hinding-hindi kita makakalimutan kahit sa’n ka mapunta…       God Bless You. GOODLUCK JACK!

Mitch

At sa huli, naisaloob kong matatag at matibay pa rin ang aking kulungan.

*tugon sa panawagan ng isang kaibigang makata na sulatin pa rin ang karanasang ito.

Wednesday, February 9, 2011

Midya sa Larangan ng Manipulasyon


                                   
            All media works us over completely. They are so pervasive in their personal, political, economic, aesthetic, psychological, moral, ethical, and social consequences that they leave no part of us untouched, unaffected, unaltered. The medium is the massage. Any understanding of social and cultural change is impossible without the knowledge of the way the media work as environments.—McLuhan & Fiore.

Ayon kina McLuhan at Fiore, kinokontrol at minamanipula ng midya kung paano mag-isip at kumilos ang tao. Kung paano nila pasunurin ang pag-iisip ng tao sa mga bagay at usaping panlipunan*. Pansinin ang ibinabandilang mga programa sa telebisyon, kung hindi paglangoy sa pantasya’t kababalaghan, ay pagmudmod ng salapi sa malawak na bilang ng mahihirap kapalit ang kanilang katatawanan sa harap ng kamera  na iyong masayang pinanonood sa telebisyon tuwing umaga, tanghali, hapon at gabi. Inilalayo ng midya ang iyong pag-iisip na ikaw, mula’t sapul, ay ginagahasa ng mapagsamantalang kapitalista’t panginoong maylupa at pinababayaan ng inutil na pamahalaang pinamumunuan ng tiwaling mga pinunong bukas-palad na inaanyayahan ang malalaking negosyanteng dayuhan na pagsamantalahan ka’t babuyin ang buong bansa.

            Kung kaya’t ang iyong pag-iisip ay nakatali sa panginoring ang dayuhang mga negosyante ang makatutulong sa ating bansa upang umunlad ang ating ekonomiya. Iniisip mo ring malaking tulong sa mahihirap ang mga programa sa telebisyong nagbibigay ng papremyo sa katatawanang pinagagawa sa mga contestant--- ang pag-iyak at pagbukas sa kanilang personal na buhay.  At sabihin pa, nasasabi mo palagi ang mga katagang  “mas mabuti pa nga ang mga iyon (panonood tungkol sa mga programang eskapista) dahil ang balita sa radyo, diyaryo at t.v., ay pulos krimen. Nakakasawa na. Paulit-ulit na lang.” di nga kasi, iyon ang layunin ng midya---ipalaganap ang pangit na mga balita upang ibaling nang sapilitan nang hindi mo namamalayan na nahuhumaling ka na  sa panonood ng mga programang tungkol sa pambihirang mga nilalang na may pambihirang kapangyarihan na magliligtas  sa buong mundo sa kasamaan at pagkawasak, sa mga maligno’t kababalaghan at marami pang katulad na programa.

Halimbawa, ang programang Willing Willie ng TV 5 tuwing gabi. Pansinin ang bawat bahagi ng game show. Kung gusto mong manalo o di kaya’y mabigyan nang mas malaking papremyo, gawin mo munang katawa-tawa ang sarili. Mas nakakatawa, mas malaki ang perang ibibigay sa iyo. Hindi pa kasama riyan ang pagluha mo dahil sa pagkukuwento mo ng iyong personal na buhay.

Kaibigan, kung may balak kang sumali sapagkat wala nang makain ang iyong pamilya’t kailangang ipatingin sa doktor ang maysakit na anak, mag-isip-isip ka muna.

            Sunod ang programang Pidol’s Wonderland kung saan iba-iba ang bawat istorya kada linggo. Hango sa Mga Kuwento ni Lola Basyang. Ikinukuwento ni Dolphy ang bawat istorya na ang katapusan ay kapupulutan ng aral. Pansinin ang bawat istorya. Tungkol sa may kapangyarihang walis, bibeng nagiging tao, nagsasalitang manika, mga engkantada, mahiwagang kuwintas na tuwing isusuot ay nagpapaganda sa bidang babae at marami pang iba na sa hinagap ay di lamang madampian ng realidad.

            Sa channel 7, sikat ang programang Machete. Tungkol ito sa bidang si Machete na nabuhay ilang daan taon ang nakalilipas at nagbalik mula sa kamatayan upang ipagpatuloy ang kanya o kanilang pagmamahalan ni Aginaya—ang kanyang kasintahan. Paano nangyari? Ayon sa istorya, inukit mula sa punongkahoy ang kabuuan ni Machete at sa hindi mapaniwalaang kapangyarihan, nabubuhay o nagiging tao muli si Machete tuwing gabi lamang upang hanapin ang kasintahan na na-reincarnate naman.

            Ang programang Alakdana, tungkol sa isang dalaga na isinilang  na may buntot ng alakdan. Paano nangyari? Hindi ipinaglihi sa alakdan kundi nakagat ang kanyang ina ng isang gintong alakdan at ang kamandag nito ang nagresulta ng kanyang buntot. Lumalabas ang kanyang buntot sa tuwing siya ay nagagalit.

            At ito pa ang isa, ang programang Dwarfina. Tungkol sa kalahating duwende at kalahating tao. Kasama riyan ang mga duwendeng may iba’t ibang kapangyarihang pinaniniwalaang nagbibigay ng sumpa sa sinumang gumambala o hindi rumespeto sa kanilang kaharian.

            Ilan lamang iyan sa mga programang nagbababad sa pantasya’t kababalaghan na kung susurii’y pambubulag sa mamamayan upang hindi maghimagsik sa abang kalagayang patuloy na nagpapahirap, isama pa ang patuloy na pagsipsip ng laman at dugo ng mga kapitalista’t panginoong maylupa sa bata-batalyong mahihirap sa bansa.

Sa mga pahayagan, bidang-bida ang hubad na larawan ng mga babae upang gamiting kasangkapan para mabili o mabenta ang diyaryo. Pambusog sa mga mata, ‘ika nga. Pansinin, mabenta ang mga diyaryong may hubad na larawan ng mga babae kaysa sa mga diyaryong walang pang-akit ng mata. Kaya lahat ng tabloid, pulos hubad na larawan ang nakabuyangyang sa harap na pahina. Mulang Toro’t Remate hanggang X- files at People’s Tonight.

            Ano ang mababasa sa mga iyan? Mga patayan, holdapan, pambobomba’t iba pa. Nariyan din ang mga istorya tungkol sa mga artista na pawang walang kabuluhan kundi usapang nakasisira ng ulo tulad ng pagkatulala ni Eugene Domingo  sa halikan nila ni Richard Gutierrrez sa kanilang pelikula, ano ang masasabi ni ganoon at ganito sa tambalang ganyan at ganire?, at mga blind item ng paboritong artista.

              Sa panonood mo ng mga iyan, wala sa isip mo na may nangyayaring news blackout. Ito ang mga halimbawa na wala kang kaalam-alam kundi mangarap na sana’y magkaroon ka ng kapangyarihan tulad ng kay Darna’t Captain Barbell at pagpantasya’t pag-idolo sa hinahangaang mga artista.

Umpisahan natin sa isyu ng Diwalwal sa  Compostela Valley---ang pinakamalaking minahan ng ginto sa bansa. Ayon a pag-aaral at masusing obserbasyon ni Edgardo Reyes, isang kilalang manunulat ng bansa, maraming anomalya ang nangyayari sa Diwalwal^.

             Una na rito ang laganap na panggagahasa sa nasabing lugar---ang walang habas na pagbubutas sa bundok at paggamit ng mercury: isang nakalalasong kemikal na ginagamit upang maihiwalay ang mga lupa’t bato sa ginto. At ang malawakang pagpuputol ng punong kahai upang gamiting haligi sa mga tunnel. Ano ang ginagawa ng DENR? Bakit hindi ito naibabalita?

Ikalawa, ang laganap at ligal na bentahan ng malalakas na kalibre ng baril at pagdadala nito na nagmula pa sa militar at PNP. Nasaan ang militar at kapulisyahan? Taga-benta na lamang ba ng baril sa Sityo Diwalwal? At ang laganap na private army ng mga negosyanteng nagmamay-ari ng mga tunnel sa bundok.

            Ikatlo, ang daan-daang namamatay sa pagguho ng lupa. Ayon sa balita, 3,4,5 tao ang patay sa pagguho ng lupa ngunit ang totoo, daan-daan ang nalilibing nang buhay sa loob ng mga tunnel. Ano ang alam ng mga tao hinggil dito? Wala. Nasaan ang midya? Ano ang baliuta? Wala.

            Nito lamang Oktubre ng nakaraang taon, naganap ang malawakang tanggalan ng mga empleyado ng ABS-CBN kasabay nito ang kanilang panawagan sa agarang pagtatayo ng kanilang piketlayn sa labas mismo ng nasabing network. 115 na manggagawa ang tinanggal ng ABS-CBN . Magpahanggang ngayon ay nakatayo pa rin ang kanilang piketlayn at patuloy pa rin silang nakikibaka sa kanilang mga karapatan. Kahit kaluskos man lamang ng balita tungkol dito ay walang nakarinig. Anumang istasyon ng telebisyon, radio at pahayagan ay nananatiling sarado sa isyung ito. Kasama ba sa batas ng pamamahayag ang pag-iwas sa isyu ng mga manggagawa ng ABS-CBN?

            Bakit nakakunot ang noo mo kaibigan? Hindi mo ba  alam ang mga nangyayari? Hahayaan mo bang malunod ka sa pantasya na pinaiigting ng midya? O aahon ka na, mag-iisip at kikilos para baguhin ang namamayaning manipulasyon sa iyo ng midya?


*McLuhan, Marshall & Fiore, Quentin: pg. 41, The Medium is the Massage, an Inventory of Effects.(USA: Bantam Books, Inc., 1967)

^Reyes, Edgardo M. : Diwalwal, Bundok ng Ginto. (C & E Publishing, Inc., 2009)


Thursday, January 6, 2011

Karoling*


Nanunuot sa buto ang lamig na dala ng hangin ng Disyembre. Animo’y nilalamig ang mga barungbarong na tila mga yayat, nanlilimahid  na katawan. Walang kumot na magtataboy ng lamig kundi ang nagmamasid na buwan at ang luma’t bitakbitak na tulay.

“ Alis muna ‘ko ‘Nay,” sabi ni Mary Jean sa kanyang ina na nagbabanlaw ng mga damit na nasabunan na. “ Mangangaroling lang po ako,” pagkaraa’y sabi niya.
“ Umuwi ka agad. ‘Wag kang masyadong lumayo,” tugon ng kanyang ina habang pinipiga ang isang pantalong maong.
Hawak ni Mary Jean ang dalawang pirasong kutsara at nagmamadaling lumabas ng bahay. Tinalunton ang gilid na daang paakyat sa tulay, sa pambansang lansangan ng Pasay.
Hindi pa man siya nakalalayo ng tulay ay sinimulan na niya ang pagbabahay, ang pag-awit ng pamaskong awitin kasabay ang pagpalo ng dalawang kutsara.
Sa may bahay ang aking bati
Meri krismas na mal’walhati
Ang pag-ibig ang siyang naghari
Arawaraw ay magiging Paskong lagi
           Hindi siya binigyan ng pera pagkaraan. Lakad siya uli. Hinto sa bahay na naiilawan ng christmas lights ang bintana. Sunudsunod na palo ng dalawang kutsara, kanta. Patawad, sabi ng may-ari ng bahay. Lakad siya uli. Hinto sa pang-apat na bahay. Sunudsunod na palo ng dalawang kutsara, kanta. Mayamaya’y lumabas ang isang batang babaing kaedad niya. Inabutan siya ng limampiso.
             Tengk yu! Tengk yu!
             Ang babait ninyo, tengk yu!   
             Siya si Mary Jean. Labing-isang taong gulang. Maikli ang buhok. Payat. Bilugan ang mukha at mga mata.Nakatira siya kasama ang mga magulang at nakababatang kapatid sa ilalim ng tulay. Barangay tanod ang kanyang ama samantalang labandera naman ang kanyang ina.
           Nakangiti siyang muling nagbahaybahay. Ganado siya ngayon. May limampiso na siya! Mas malakas at mas masigla siyang pumalo ng dalawang hawak na kutsara at kumanta.
Sa may bahay ang aking bati
Meri krismas na mal’walhati
Ang pag-ibig ang siyang naghari
Arawaraw ay magiging Paskong lagi.
Malayulayo na siya sa tulay kaya’t naipasya niyang umuwi na sapagkat ilang bahay na rin ang kanyang napamaskuhan at bilin din ng kanyang ina na huwag siyang lumayo.
Habang naglalakad sa gilid ng kalsada, binilang niya ang mga barya sa kanyang bulsa. Disi-otso pesos. Isang limang pisong barya at pulos mamiso na ang iba. Binalik niya muli sa kanyang bulsa pagkaraan.
Bago niya nasapit ang tulay, sinalatsalat muna niya ang mga barya sa kanyang bulsa. Malamig ang mga iyon. Pagpasok niya ng bahay ay nakita niyang nag-iisa ang kanyang nakababatang kapatid.
Mayamaya’y dumating din ang kanyang ina. May dalang bagong bestida at tsinelas.
“ Binili ko sa iyo, ‘nak,” sabi ng nanay niya habang inaabot sa kanya ang bagong bestida’t sinelas.
“ Tengk yu, ‘Nay,” nakangiti niyang sabi.
Tuwangtuwa siya. May maisusuot na siya sa Pasko. Kasi nga, tuwing darating ang Pasko, laging pinaglumaan ng anak ng amo ng kanyang ina ang suot niya. Sa Pasko, may ma’susuot na ‘ko, naisaloob niya.
“ Pa’no po si Ben, ‘Nay?” mayamaya’y tanong niya. Tinutukoy ang nakababatang kapatid.
“ Bukas ko siya ibibili. Bukas pa kasi ang bayad sa nilabhan ko kanina.”
Dinukot niya ang mga barya sa kanyang bulsa at ibinigay lahat iyon sa kanyang ina.
“ Isukat mo nga anak kung kasya ang nabili ko sa iyo,” utos ng kanyang ina.
Nagmamadali niyang isinuot ang bestida pati ang tsinelas.
“ Tama lang pala sa iyo anak, e.”
Kinabukasan, masayang ipinamalita ni Mary Jean ang kanyang bagong bestida at tsinelas sa mga kalaro.
Pagsapit ng alas-sais ng gabi, sinimulan na niya ang pangangaroling. Malapit nang magpasko, kailangan ko pang makapag-ipon para may makain kami sa Pasko, naisaloob niya.
Ilang pirasong lata ng sardinas, miswa, mumurahing pasta at isang pakete ng sarsa ng spaghetti ang naipon niya sa pangangaroling.
Sana makarami ako ngayon, naibulong niya sa sarili. Ilang araw na lang ay Pasko na! Nagbahaybahay na naman siya. Ilang beses na narinig ng paligid ang kanyang sunudsunod na pagpalo ng dalang kutsara at ang kanyang pagkanta.
Sa may bahay ang aking bati
Meri krismas na mal’walhati
Ang pag-ibig ang siyang naghari
Arawaraw ay magiging Paskong lagi.
Nakarami nga siya pagkaraan ng ilang pagbabahay. Beinte-siyete pesos. Tatlong limampisong barya, sampung mamiso at walong beinte-singko sentimos.
Nang malapit na siya sa tulay, patakbo siyang bumaba ng tulay patungo sa kanilang bahay. Hawak niya sa kaliwang kamay ang dalawang kutsara. Ilang hakbang na lamang at nasa bahay na siya.
Di-kalayuan sa kanya, nakabitin sa pagkakaturnilyo ang isang malaki, mabigat na sirang tubo ng tubig. Tumalsik ang tubo sa sobrang lakas ng daloy ng tubig. Tumama’t bumagsak sa kanyang ulo ang malaki, mabigat na tubo ng tubig. Nabasag ang kanyang bungo pati ang sementadong sahig. Kumalat ang kanyang dugo sa sahig, ang dalawang hawak na kutsara, ang mga barya sa kanyang bulsa.
Ilang araw na lang at Pasko na. Maisusuot na niya ang bagong bestida’t sinelas na ibinigay sa kanya ng kanyang ina.

*Alay kay Mary Jean G. Suela (Disyembre 22, 2010 R.I.P), 11 taong gulang na nabagsakan ng malaking elbow pipe sa ulo pauwi galing sa pangangaroling.

 Disyembre 24, 2010
Tundo, Maynila

Wednesday, December 15, 2010

Putang ina!

ayoko nang magsulat
ayoko nang mag-isip ng paksa
ayoko nang magpakamanunulat
ayoko nang makita ang basura kong panulat

hindi ako manunulat
isa akong bobong tao
na gustong magsulat
at magyabang ng mga gawa

nagpipilit lamang akong
maging manunulat
pero basura ako
tulad ng mga gawa ko!

ayoko na
putang ina!
putang ina ko!
putang inang panulat ko!

hindi ako manunulat
hindi ako marunong magsulat
wag mo kong tarantaduhin, ululin
hindi ako manunulat

sawa na ko sa nakikita kong kabobohan ko
ayoko nang magsulat
ayoko nang mag-isip ng paksa
ayoko nang magpakamanunulat
dahil hindi ako marunong sumulat.

ayoko na!
putang ina!

Thursday, November 18, 2010

Alaala


Habang naninigarilyo, napatingin ako sa kuwadradong orasang nakasabit sa dingding sa itaas ng maliit na estante ng mga sabon ng tindahang sarisari. Alas-kuwatro na ng hapon. Mahapdi pa rin ang dampi ng init ng araw sa balat. At ang langit ay bughaw na bughaw sa mangilanngilang ulap.
Hindi ko pa napangangalahati ang aking  sigarilyo nang lumapit sa akin si Dante.
“ Son, samahan mo ‘ko,” bungad niya sa akin.
“ Saan tayo pupunta?” tanong ko habang ibinubuga ko ang kumpulkumpol na usok ng sigarilyo.
“ Pagagawa ko lang  ‘to,” inangat niya ang kaliwang bahagi ng laylayan ng kanyang damit.
Ngumisi ako sa kanya.
Nakasuksok sa kaliwang baywang niya ang isang lumang baril.
“ Dante,” ani ko. “ Sa’ mo nakuha ‘yan?”
Humitit ako nang malalim sa aking sigarilyo.
“ Akin ‘to…matagal na ‘to sa ‘kin…sira kasi kaya hindi ko magamit”.
Sinamahan ko siya. Minabuti naming  dumaan sa mga eskinita upang hindi mapansin. Delikado, baril ang dala namin. Mahirap nang makulong. Sa ilang labas-masok namin sa makikitid, mabahong eskinita, nasapit din namin ang bahay na paggagawaan ng dala naming baril.
Maliit ang bahay. Isang palapag na gawa sa kahoy at ang bubong ay yari sa maitim, luma, kalawanging yero. Sa labas ng bahay, nanlilisik ang mga mata ng asong nakatali sa isang paa ng maliit na kulungan ng mga manok. Tahul nang tahol ang itim, payat, galising asong nakabantay sa harap ng bahay.
Mayamaya pa’y lumabas ang isang lalaking nasa tatlumpu’t lima ang gulang, mahaba ang makapal, magulong buhok at makapal ang tubo ng kilay at bigote. Matigas at magaspang ang rehistro ng mukha. Hubad-barong kakikitaan sa kaliwang dibdib ng tatong mukha ni Kristo- malungkot at lumuluha ang mga mata.  Lumingalinga ang lalaki sa magkabilang eskinita at nang makasigurong walang kahinahinalang taong nasa di-kalayuan, pinapasok kaming dalawa ni Dante.
Alam agad ang aming pakay, naisaloob ko.
“ Payring pin lang pala’ng sira nito, e,” sabi ng lalaki habang binabaklas ang baril sa harapan namin. “ Madali lang ‘to.”
Sira ang firing pin ng baril. Madali lang remedyuhan. Kinuha ang bakal na spring ng isang bolpen. Ikinabit sa baril. Tapos agad ang problema.
“ Remedyo lang ‘tong ginawa ko…kailangan talaga dito e ‘yung mismong spring ng baril…kakabyos din ‘to,  Dante,” paliwanag ng lalaki. At sunudsunod na kinalabit ang gatilyo. Kumakabyos pa rin ngunit hindi tulad nang dati.
Siya si Dante. Beinte-singko ang edad. Kulot ang mahaba at malagong buhok na tumatakip sa kanyang malapad na noo. Makapal ang tubo ng kilay. Bilugan ang mukha at mga mata. Katamtaman ang laki at may katabaan ang pangangatawan.
Hindi iilan ang nakakikilala kay Dante sa lugar namin sa Pacheco, Tundo. Gayundin sa mga kalapit-barangay. Labas-masok na sa kulungan. Holdaper,  snatcher, sira-ulo, tarantado at mahilig sa  basag-ulo. Marami ang takot sa kanya at marami ring kaaway na gustong pumatay sa kanya.
Noong una, ganoon ang pagkakakilala ko sa kanya—patapon na ang buhay—ngunit nang maging kaibigan ko siya (aywan ko kung bakit sa dinami-raming pangit na ugali na pinagsasabi sa kanya ay nagawa ko pang makipagkaibigan sa lokong ito), nakilala ko ang isang mabait at mabuting tao.
Kinagabihan, nagpainom siya. Apat na bote ng hinebra.
Pumuwesto kami sa kinayuyungyungan ng malapad na toldang pinaluma ng ilang ulit na bigwas ng mga bagyo.
Nagsalin siya ng alak sa maliit na basong Kristal. Pinuno niya iyon. Ininom at sinaid ang laman. Nagsalin muli ng alak. Pinuno at ibinigay sa akin. Ininom ko agad at sinaid ang laman. Gumuguhit ang lasa ng alak sa aking lalamunan. Kumuha ako ng pulutang hiniwahiwang hinog na papaya (may maliit na tindahan sila ng mga prutas sa Tayuman) upang kahit paano’y mabawasan ang gumuguhit sa lalamunang lasa ng alak.
“ Di ba nasa kolehiyo ka na?” biglang tanong niya sa akin.
Tumango ako. Pagkaraa’y napatingin ako sa mga matang iyon ni Dante. Malungkot.
Nagsindi ako ng sigarilyo.
“ Ikaw, bakit hindi ka na nag-aaral?” tanong ko.
Tinungga niya ang kasasalin pa lang na alak sa baso. Nabigla sa pag-inom, tumulo mula sa kanyang bibig ang kaunting alak at nanuloy sa kanyang leeg. Hinawakan niya ang laylayan ng kanyang itim na t-shirt at ipinunas sa nilandasan ng natapong alak.
“ Dati, gusto kong mag-aral…ngayon, ayoko na,” tugon niya.
“ Bakit ayaw mo na?”
Dinampot niya ang kaha ng sigarilyong nakapatong sa ibabaw ng mesa. Kumuha ng isa, sinindihan. Napapikit sa aso ng sigarilyo.
“ Dati, mabait ako…’di ganito ang takbo ng utak ko. Masipag akong mag-aral. Lagi akong pumapasok.” Humitit nang malalim. “ Nasa hayskul ako, huling taon nang ihinto ko ang pag-aaral. Sunudsunod ang mga away at basag-ulong napasok ko. Kaya hanggang ngayon, ganito na ako, sira-ulo.” Pinitik ang titis ng sigarilyo.
Pagkaraa’y pinukol niya ako ng mapanglaw na tingin.
Sinaid ko ang alak na nasa baso. Hindi ko na malasahan ang alak. Hindi na ako kumuha ng pulutan.
Tiningnan ko ang mga mata niya. Napansin ko ang pangingilid ng kanyang luha. Aywan kung totoo ang nakita ko o lasing na ako noon.
Hindi ko na alam kung anong oras kami natapos. Umuwi ako sa amin nang lasing at naririnig ang tilaukan ng mga manok-panabong ng kapitbahay.

ISANG araw, walangwala talaga kami. Ni piso alaws din. Ala-una na, hindi pa kami nanananghali. Lumabas ako ng bahay, hinanap ko si Dante. Magbabaka sakali na rin na makautang sa kanya, sapagkat siya ang alam kong makatutulong sa akin, at siya ang itinuturing kong pinakamatalik na kaibigan. Nakita ko siya, nagsusugal sa isang lamay ng patay. Ang agang sugal, naisaloob ko. Kinapalan ko ang mukha ko. Nangutang ako sa kanya ng singkuwenta pesos, ibabalik ko agad, pagkaraa’y sabi ko. Huwag na’t magkano lang iyon,  sabi niya sa akin. Nakapagsaing kami at nakabili ng ulam.
Sa mga magkakaibigan sa lugar namin,  kaming dalawa ang pinakadikit. Magkapatid na ang turing namin sa isa’t isa.
Minsa’y inaya ko siyang manigarilyo kahit na alam kong hindi siya gaanong naninigarilyo.
“ Hindi ako masyadong nagyoyosi,”sabi niya, “mahilig lang akong uminom.”
Natawa ako at nangiti siya.
“ Patay-gutom ka kasi sa alak,” biro ko.
Natawa siya.
Isang gabi, naninigarilyo ako nang lumapit siya sa akin at iniabot ang isang kaha ng sigarilyo.
“ An’ dami naman nito,” sabi ko.
“ Okey lang ‘yan para ‘di na bili nang bili…hitit na lang nang hitit.”
Natawa ako.
Isang kaha ng Marlboro ang ibinigay niya sa akin. Mayroon din siyang isang kaha ng sigarilyo. Hindi rin niya naubos, ibinigay din sa akin. Ilang araw ko ring inubos ang bigay na iyon.
Hindi lang madalas na pag-inom at madalang na paninigarilyo ang bisyo ni Dante. Madalas din siyang mag-marijuana.
Hindi ko pa siya kaibigan noon nang unang makita ko siyang gumamit ng marijuana. Umiinom sila ng kanyang mga barkada. Nakatambay ako di-kalayuan sa lugar kung saan sila nag-iinuman.
Mayamaya’y nagulat ako. Nagsindi ng marijuana ang loko kahit maraming nagdaraang mga tao. Malalim na hitit. Buga ng usok. Isa pa. malalim na hitit. Wala nang ibinugang usok pagkatapos. Hindi siya takot na magsindi sa harap ng mga nagdaraang tao. Kilala siya sa amin at walang may lakas ng loob na magbawal sa kanya.

ISANG gabi (hindi ko pa rin siya kaibigan noon), nag-iinuman kami ng mga  kaibigan ko di-kalayuan sa mga nakikipaglamay (uso sa Tundo ang linggulinggong may patay, ginawa na yatang tradisyon) nang malingunan kong nakakagulo sa umpukan ng mga nagsusugal. Lumapit ako kasabay ang mga kaibigan ko. Nakita ko si Dante, lasing at dala ang siyam na iba’t ibang yunit ng cellphone. Nangholdap na naman, naisaloob ko.
Aywan ko kung bakit simula nang maging magkaibigan kami, nagbago si Dante. Hindi na siya nanghoholdap. Iniwasan na ng loko. Pagtambay kasama ko at pagtao sa kanilang tindahan ng mga prutas sa Tayuman ang ginawang libangan. Ngunit ang basag-ulo ay hindi nawala, o mawawala, sa kanya.
Makailang beses ko nang nakitang galit si Dante. Ngunit hindi tulad nang makaaway niya si Ferdi: mayabang, malakas magsugal at pikon. Naroon silang dalawa—si Dante at Ferdie sa sugalan. Maraming tumataya, marami ang nagsusugal.
Nasa labas ako ng bahay noon, nakatambay at nanonood ng basketbol sa kanto. Nagulat ako, biglang may tumalon galing sa di-kataasang bubong.
Si Dante, dala ang baril na pinaayos namin!
Napaigtad ako sa bangketang kinauupan ko.
“ Dante, sino’ng kaaway mo?” sigaw ko.
Ni hindi niya pinansin ang tanong kong iyon.
Pagliko niya sa kanto, itinutok ang baril sa kaaway na nasa makalabas lamang ng kabilang eskinita. May dalang dalawang mahabang kutsilyo si Ferdie. Natulala siya nang makitang may hawak na baril si Dante. Minura ni Dante si Ferdie. Hindi kumibo ang huli. Mayamaya, nang lalapitan na niya ang kaaway, lumapit sa kanya ang ninong niya. Kinuha sa kanya ang baril at ibinigay sa tatay niya.
Nilapitan ko siya. Dinampot niya ang isang maruming bote ng alak sa mga tambak na gulong sa gilid ng eskinita, at ipinatong ang kanang pa. Pinagulunggulong ang bote ng kanang talampakan. Napilayan ang loko!
“ Tang ina ka Dante, akala ko si spiderman ka na!” nakatawang biro ko.
Hindi siya natawa.
Nagmumura siya.
“ Putang ina n’ya, babarilin ko talaga s’ya!”
“ Hayaan mo na,” pagpapakalma ko, “takot naman ‘yung gagong ‘yun, e.”
“ Putang ina n’ya!” Sinipa ang bote at tumilapon at nabasag nang tumama sa bangketang may bahid ng natuyong ihi.
Isang gabi, umuwi akong lasing. Naparami ako ng inom. Sumobra ang espiritu ng alak. Naglalakad na ako pauwi nang maaninag ko, malabo, pitong lalaki. Matatangkad. May hinahanap. May mga dala sila. Nang makakasalubong ko na sila ay narinig ko ang pangalan ni Dante.
“ Tang inang Danteng ‘yan!”
“ Subukan n’yang lumabas, titinggain ko s’ya!”
“ Masyadong mayabang kang tarantado ka!”
Natakot ako. Pagliko ko ng eskinita, muli ko silang tiningnan, patago. Malabo pa rin. Epekto ng alak, naisaloob ko. Binuksan ko ang pintuan namin, tahimik. Tulog na ang lahat. Dahandahan kong isinara. Dahandahan din akong nahiga. Banayad kong inilapat ang likod sa saping karton. Ngunit ramdam ko pa rin ang lamig ng sementadong sahig. Tumagilid ako. Mayamaya’y may narinig akong tatlong malalakas na putok.
Kinabukasan, sinabi ko kay Dante ang paghahanap sa kanya ng mga kaaway niya. Tinawanan lang ng loko ang pagpapaputok ng baril ng mga naghahanap sa kanya. Ngunit sa loobloob ko, galit siya, dinaan na lang sa tawa.
Sumunod na gabi, nag-inuman kaming dalawa.
“ Sasalubungin natin sila,” nakangiting sabi ni Dante at inilabas ang dalawang kalibre .38 na  baril.
Nangiti ako pagkatapos kong inumin ang alak sa baso.
Inumaga kami sa pag-iinom at paghihintay sa mga “sasalubungin”, ngunit walang dumating.

MADALING-ARAW nang mangyari ang gulo. Ala-una nang umuwi ako at si Dante ay napasabak sa away bandang alas-tres na.
Kinursunada siya ng mga tambay na umiinom di-kalayuan sa lugar namin. Pinalapit siya at pinagmumura. Napansin niyang marami sila- ang mga kaaway niya. Dumampot siya ng dalawang bote ng alak sa kung saan (naisanla niya ang isang baril niya at ang natitirang baril ay itinago ng tatay niya) at ipinukol sa mga nangungursunada sa kanya.
Dehado siya kung lalabanan niya nang mag-isa. Pumunta siya sa Perla—kalapit-barangay—at nagtawag ng resbak. Anim ang dala niya pag-uwi. Bawat isa ay may baril at ang isa naman ay may hawak na tres cantos na patalim.
Nagpaputok sila Dante. Takbuhan sa kung saang may masusuutan ang mga gago. Nabahag ang mga buntot. Hinabol nila. Nagpaputok muli. Bagsak ang isa, paluhod. Tinamaan sa ulo. Asintado ang isa sa kasama ni Dante. Nilapitan nila. Binaril muli, sa dibdib naman. Hindi nakuntento, sinaksak ng tres cantos sa kaliwang leeg.
Kinabukasan nang gabi, ikinuwento sa akin ni Dante ang nangyari. Putok ang balita sa lugar namin. Patay ang isa at nakaburol na sa isang maliit na kapilya ng barangay.
Iyon na pala ang huling araw na makikita ko siya sa  lugar namin.

MAGKAHALONG tuwa at lungkot ang naramdaman ko habang papalapit ako sa tarangkahan ng kulungang kinasasadlakan ng kaibigan. Namataan ko siyang nakaupo sa isang sulok at may kausap na matandang lalaking preso.
Mag-iisang taon na mula nang makulong si Dante dahil sa nangyaring iyon. Nahihiya akong lumapit sa kanya sapagkat mula nang makulong siya ay ngayon lang ako nakadalaw sa kanya.
Mayamaya’y napansin ako ng loko. Nakangiti akong nilapitan.
“ Kumusta, Son,” bungad niya sa akin.
“ Ito, okey naman. Ikaw Dant?”
“ Ito nasa oblo na,” nakangiti niyang sabi.
Pinaikli namin ang tawag sa pangalan ng isa’t isa. Dant sa Dante at Son sa Jayson.
“ Hiyang ka sa pagkain dito, a,” sabi kong nakangiti.
“ Medyo” sabay bumunghalit ng tawa.
Tumaba ng kaunti ang loko.
Marami kaming napagkuwentuhan. Tungkol sa aming lugar. Ang mga magulang niya. Mga kapatid. Iyong naiwan niyang baril sa tatay niya at kung anuano pa.
Napansin ko ang pananabik ni Dante na makalaya. Aywan kung bakit bigla akong napatingin sa kanyang mga mata. Lalong malungkot ang mga matang iyon di tulad nang mapansin ko iyon noon. Hindi maikukubli ng mga tawa at ngiti ang lungkot na ipinupukol ng mga matang iyon.
Mayamaya’y tumibo sa isip ko na ako ay isa ring bilanggo.
Siya, sa rehasrehas na bakal ng kinasasadlakang kulungan.
At ako, sa alaala ng isang mabait at mabuting kaibigan.


Friday, October 1, 2010

Kapirasong Papel Para Kay Ama


Mainit. Mahapdi sa balat. Nakapapaso. Waring naghihimagsik ang araw sa isinusuka nitong init na dumadantay sa bawat bumbunan at balat ng bawat nilalang, sumisiping sa bawat naghuhumindig na mga gusali, sa mga establisimyento- malaki o maliit, sa mga aspaltadong daan, sa mga sementadong lansangan at mga kabahayan- mga nakaluhod  na barungbarong sa umaalingasaw at nakasusulasok na amoy ng estero, mga dikitdikit na kubakob na tila mga nakahanay na nitso sa sementeryo na kayakap araw-gabi ang ilog na nakalutang-inaanod ang iba’t ibang basura, mga marumi’t makipot na paupahang entresuwelo, at iba pang maaaring tirhan ng mararalitang tagalunsod.
 Habang naghihintay ay buubuong butil ang namuo sa malapad na noo ni Mario, naglandas sa kanyang humpak na pisngi at nanuloy hanggang sa kanyang payat na leeg. Dumukot si Mario mula sa bulsa ng kanyang kupasing pantalong maong ng panyo. Pinunasan niya ang leeg at ang mukhang nangingintab sa pawis habang ang kanyang isipan ay naglalaro sa mga masasayang alaala ng kanyang kamusmusan at pagbibinata sa bayang kinalakhan.
Ilang saglit, pumalag sa kanyang isipan ang palaging paalaala sa kanya ng kanyang ama.
“Mario, pagbutihin mo ang iyong pag-aaral sa Maynila. Tapusin mo ang iyong kurso. Ayokong matulad ka sa akin at sa lahat ng tagarito. Ayokong balang-araw ay maging magsasaka ka rin at pagsisihan mo tulad ng pagsisisi ko na hindi ko natapos ang aking pag-aaral. Iahon mo sa kahirapan ang ating pamilya anak.”
Sa lugar na iyon, sa kanilang probinsiya, lahat ay pulos magsasaka. Ang lahat ay alipin ng lupa. Lupang kanilang libingan pagdating ng araw. Wala man lang ni isa sa kanila na nangarap na makaaahon sila sa kanilang abang kalagayan. Lahat ng tagaroon, elementarya lamang ang natapos. Minarapat na tumigil at tumulong sa mga magulang sa gawaing bukid, sapagkat alam nilang magastos at hindi kaya ng kanilang mga magulang ang pag-aralin sila. Atrasado ang pamumuhay sa lugar na iyon. Napakapayak. Sa mga tagaroon, kung ikaw ay isang anak-magsasaka, mamamatay kang isang magsasaka din. Isang mangmang. Ngunit hindi sa ama ni Mario.
Huminto sa kanyang harapan ang isang pampasaherong bus at nakasulat sa harap ng sasakyan ang pangalan ng kanilang probinsiya. Sumakay siyang bitbitbitbit ang kanginang masasayang alaala ng kanyang kamusmusan at pagbibinata kapiling ang kanyang ama, ang mga palay, ang mga punongkahoy, ang mga ibon, ang mga insekto at iba pa. Sukbitsukbit sa kaliwang balikat ang isang malaking bag at bitbitbitbit sa kanang kamay nito ang isang maliit na maleta.
At nang maamoy na niya ang malamyos at sariwang hanging nagpapayuko sa mga tanim na palay, nagpapakaway sa mga talahib sa tumana, nagpapaawit sa mga kawayan at nagpapasayaw sa mga punongkahoy na kanyang nadaraanan, biglabiglang pumunit sa kanyang may kaitimang mukha ang mga ngiti ng pagkasabik sa bayang nawalay sa kanya ng apat na taon.
Natutuwa ako anak at malapit ka nang magtapos. Hindi ko man alam, nararamdaman ko na hindi biro ang ginawa mong pagsisikap diyan sa Maynila. Hintayin mo ako diyan anak at darating ako sa araw ng iyong pagtatapos. Matagal ko nang hinihintay na makita kitang hawak mo ang iyong diploma at nasa  harap ng maraming tao. Ang laking pasasalamat ko. Hintayin mo ako diyan. Darating ako.
Ngayon, hawak niya ang sulat ng kanyang ama. Aywan ni Mario kung bakit ganoon na lamang ang kanyang pagkabagabag kung bakit hindi nakarating ang ama sa pinakamimithing araw nito para sa kanya. Nag-aalaala, kinakabahan. Ang kanginang mukha ng pagkasabik ay napalitan ng hintakot at pangamba. Ayaw niyang mag-isip ng mga alalahaning subok ikatakot niya  para sa amang pinangulilahan ng apat na taon.
Mag-isa lamang ang kanyang ama sa bahay sapagkat nag-iisang anak siya. Ang ina na hindi niya nakita ay sinabing namatay matapos siyang ipanganak dahil sa kahinaan ng pangangatawan nito nang siya’y ipinagbubuntis ng ina. May kapirasong lupa ang kanyang ama na itinuturing na kaisaisang kayamanan nito kasama ang kanilang maliit na bahay na gawa sa kahoy. Kung tutuusi’y nakararaos sila sa arawaraw na pangangailangan kahit na nag-aaral siya ng hayskul ng mga panahong iyon. Pagkatapos niya ng hayskul, pinagsumikapan ng kanyang ama na pag-aralin siya sa isang pamantasan sa Maynila. Ang perang kinikita sa anihan ng kanilang pananim na palay ang kanyang ipinambabayad sa matrikula kada semestre at sa inuupahang entresuwelong  di kalayuan  sa umaalingasaw na estero ng lugar. Ipinagkakasya na lamang ni Mario ang perang ipinadadala sa kanya ng ama. Gusto niyang magtrabaho bilang tulong na rin sa kanya at para makaipon na rin ng pera ngunit pinagbawalan siya ng kanyang ama nang sinabi niya sa sulat ang gusto niyang mangyari.
            Mag-aral ka nang mabuti diyan. Huwag kang magtrabaho. Pagtuunan  mo ng pansin ang iyong pag-aaral at ako na ang bahala sa panggastos mo. Dadagdagan ko pa.
            Iyon ang huling bahagi ng sulat ng kanyang ama. Ang sa ama niya’y makasisira lamang ng kanyang pag-aaral ang pagtatrabaho at baka ito pa ang maging dahilan upang hindi niya matapos ang kolehiyo.
Alam  niya kung gaano siya  kamahal ng ama. Ang pangarap nitong makatapos siya ng pag-aaral. Nagsumikap ang kanyang ama. Araw-gabing nagtatrabaho sa bukid. At para madagdagan ang kanyang ipinadadala sa anak, namasukan ang ama sa kilalang propiyetaryo ng kanilang lugar bilang magsasaka. Madaling-araw pa lang, gumigising na ang kanyang ama para magtrabaho sa bukid. Apat na taong pagbubungkal, pagtatanim at pagsasaka ang ginawa ng kanyang ama. Halos sumuka ng dugo at mabali ang mga buto ng kanyang ama sa pagtatrabaho sa bukid kapalit ang kakarampot na halaga. Sapagkat sa isang magsasakang tulad ng kanyang ama, ang mapagtapos ang anak sa pag-aaral ang tanging kayamanan na maipamamana nito sa kanya.
Huminto ang kanyang sinasakyang bus. Bitbit ang mga dalahin, sabik na sumakay si Mario sa traysikel na nakapila sa gilid ng daan. Dalidaling pinaandar ng drayber ang sasakyan. Mabilis. Binuksan niya ang siper ng maliit na maletang nasa tabi niya. Kinuha niya ang kapirasong papel na ipakikita niya sa kanyang ama sa oras na makauwi siya ng bahay. Nasa isipan pa rin niya ang mga alalahaning nagpapakaba sa kanya. Bakit hindi nakapunta si Itay kahapon? Binaling niya ang mga mata at isipan sa nadaraanang tanawin, tanawing nagbago mula nang umalis siya sa lugar na iyon. Malaki ang ipinagbago. Tila dayuhan siya sa lugar na iyon, naisaloob niya. Sa mapunong lugar na iyon na kinatitirikan ng isang bahay na kulay abo at ng isang maliit na bahay-pahingahan, huminto ang traysikel.
Bumaba si Mario. Kinuha ang dalahin. Iniabot ang bayad sa drayber, hindi na kinuha ang sukli at nagmamadali tinalunton ang daang iyon, pababa patungong tulay. Iyon ay gawa sa anim na pirasong puno ng kawayan na tinalian ng mga alambre upang maging isa at gawa rin sa isang pirasong kawayan ang hawakan nito.
At nang makalampas ng tulay, dalidaling binagtas ang daan patungo sa  kanilang bahay hawakhawak ang kapirasong papel. Sa malayo, nakikita na niya ang mga tagaroon. Ang kanilang mga kapitbahay. Nagtahulan ang mga aso. Napansin niyang maraming tao sa kanilang bahay. Naisip niya na nagdaos pa nang pagdiriwang ang kanyang ama sa pagtatapos nito kahapon. Bakit ngayon? Nang papalapit na siya, nagtinginan ang mga naroon, nagtahimikan. Nakita niya ang amang nakaburol. Humpak ang pisngi, lubog ang mga mata, lalong dumami ang mga puting buhok, lumalim ang mga gatla, lalong nangayayat at napansin niya ang pumuputok sa kalyong mga daliri nito.
Natulala siya. Walang imik si Mario. Tahimik ang mga tagaroon. Ilang butil ng luha ang tumulo sa mga mata ni Mario. Hindi niya nagawang humagulgol at ang hawak niyang kapirasong papel ay nalukot sa matinding pagkakakuyom ng mga daliri.
Maingay na ang mga nakikipaglamay. May mga nagbabaraha, nag-iinuman at nagkukuwentuhan. Sa di kalayuan, maiingay na rin ang mga nag-iinuman, namumula na ang mga mukha. Hinahawi ng mga malalamlam na liwanag ng ilaw ng bombilya ang dilim ng gabi.
“Tagay mo Kadyo,” sabi ng tanggerong nakayuko na nang ibigay ang basong may lamang alak.
Sinaid ni Kadyo ang laman ng baso at humithit ng sigarilyo. Ibinuga ang usok at dumura sa lupa. Pasimpleng tinuyo ng paa ang kanyang dura.
“Alam mo Kadyo, bilib ako d’yan ke Ka Tomas. Biruin mo e nakuha pang pag-aralin sa Menila ‘yung anak at mapagtapos,” ani Bruno na ang pagkakaupo ay tila isang rebulto na hindi man lang yumuko o tumagilid.
“Akala ko e si Mang Andoy ang pinakamasipag dito sa ‘tin. Pero ‘di pala,” sabi ni Mando habang titingintingin kay Kadyo at sa tanggerong si Jose na  hanggang ngayon ay nakayuko pa.
“Sayang nga lang at hindi  nakita ni Ka Tomas itong si Mario,” nanghihinayang na sabi ni Kadyo habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo.
“Ikaw na ang magtagay Kadyo. Bagsak na si Jose,” utos  ni Mando.
Nilagyan ni Kadyo ang baso ng alak at ibinigay kay Bruno. Sinaid ni Bruno ang laman at parang nabigla, tumapon ang kaunting alak sa kanyang leeg.
“Hindi na ‘ata nagpapahinga’yang si Ka Tomas. Nagsilbi pa ke Don Fernando,” sabi niya habang pinupunasan ang basang leeg.
“Naaawa ako sa anak na naiwan ni Ka Tomas,” sagot naman ni Mando.
At biglang may pumailanlang na malakas na sigaw sa kalawakan ng gabi.
“Putang ‘na!!! Bakit!!! Bakit!!!”
Nagulat ang lahat na nakikipaglamay. Tumingin ang lahat sa kanya. Tumahimik. Umiiyak si Mario. Malakas. Humahagulgol. At ilang mga nagbabaraha, nag-iinuman at nagkukuwentuhan ay naluha sa nakitang yaon.
Kinabukasan, inilibing ang kanyang ama. Ang kapirasong papel na masaya niyang ipakikita sa ama ay isinama niya sa loob ng kabaong. Nag-alisan na ang mga kapitbahay na nakipaglibing maliban sa isang lalaking nasa di kalayuan at pinagmamasdan si Mario. Nilapitan siya ng lalaki.
“Mario,” bungad ng lalaki.
Napatingin si Mario sa direksiyon kung saan nanggaling ang boses.
“Ako si Abner, kaibigan ng tatay mo. Lagi kaming magkasama sa bukid,” kuwento nito.
Hindi siya nagsasalita. Pinakikinggan niya ang taong nakatayo sa kanyang harapan.
“Kahapon, umaga, pumunta kami ng tatay mo sa malaking bahay ni Don Fernando para kunin ang bayad sa pagtatrabaho ng tatay mo sa kanya… para makapunta kami ng Maynila at makadalo sa pagtatapos mo,” tumigil ang lalaki at pinagmasdan si Mario.
Si Mario, nakikinig pa rin. Tahimik sa pagkakaupo sa harap ng puntod ng ama.
“Hindi binayaran ang tatay mo. Sinigawan. Sinabing me utang ang tatay mo at ang bayad sa kanya ay kulang pa sa utang niya sa don. Minura ang tatay mo. Pinagmumura. Nagalit ang tatay mo. Binunot ang itak na nakasukbit sa baywang. Tinaga si Don Fernando. Tinamaan sa kamay. Narinig ng mga alipores ang sigaw nito. Inutusang patayin ang tatay mo. ‘Ala akong nagawa, pinukpok ng baril ang ulo ko. Nagising na lang ako na nasa bahay na ako. Patawarin mo ako, ‘di ko natulungan ang tatay mo,” paliwanag nito.
Payapa ang kalooban ni Mario parang ilog na hindi umaagos. Kalmado. Ni hindi nag-iba ang damdamin nang malaman ang nangyari sa kanyang ama. Kakaiba ang payapang iyon. Payapang mas nakahihigit sa galit at poot. Payapang nakatatakot. Napag-alaman niya mula sa mga kapitbahay na ang maliit na lupa nila ay pagmamay-ari na ni Don Fernando. Malaki ang pagkakautang diumano ng kanyang ama kay Don Fernando kaya’t inangkin ang lupa bilang kabayaran. Napag-alaman din niya na namasukan ang kanyang ama kay Don Fernanado upang madagdagan ang kanyang perang panggastos sa Maynila.
Napag-isipisip niya na ang kapirasong papel na iyon na ilang taon niyang pinaghirapan, ang kapalit ay ang kanilang lupa at ang buhay ng kanyang sariling ama.
Papalubog na ang araw nang siya’y umuwi. Hindi rin nagtagal at umalis rin agadagad ng bahay daladala ang isang bagay na kailangan sa kanyang pupuntahan. Nagmamadaling tinalunton ang maalikabok na daang yaon na naglalagos sa mga pananim na palay at gulay at mga naglisawang damong ligaw na humahangga sa kinatitirikan ng malaking bahay na iyon. Mabilis ang kanyang paglalakad. Halos patakbo na. Mapagpasiya. Ilang minutong paglalakad ay nasapit na niya ang malaking bahay.
Nakita niya ang kanyang pakay. Nakaupo sa upuang gawa sa bakal, nasa bakuran at humihithit ng tabako. Napansin kaagad ni Mario ang kaliwang kamay nito na nakabenda at hindi maigalaw nang maayos. Gawa ni Itay, naisaloob niya. Wala ang mga alipores. Nilapitan niya agad ang kanyang pakay. Mayamaya’y napansin siya nito.
“Sino ka?,”gulat na tanong nito.
Ilang saglit niyang pinagmasdan ang mukha ng taong pumatay sa kanyang ama. Napansin ni Don Fernando ang hawak ni Mario. Nanlaki ang mga mata nito at namutla nang tanggalin ni Mario ang itim na damit na nakabalot sa kanyang daladala. Bumungad ang isang matalim na itak. Isa, dalawa, tatlo, apat, maraming beses. Sunudsunod. Hanggang sa sumambulat sa kanyang mukha ang dugo ng propiyetaryo.